Ni GENALYN D. KABILING
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na kakanselahin ang permit ng mga kumpanya ng minahan na nagbabayad ng revolutionary tax sa New People’s Army (NPA).
Sinabi ng Pangulo na sisilipin niya ang mga transaksiyon ng mga kumpanya ng minahan, at tiniyak na dadanas ng “hell of a time” ang mga kumpirmadong nagpopondo sa NPA.
“Prangkahan tayo. Nagbibigay kayo. Pero ‘pag nahuli ko kayo, I will give you hell of a time,” sinabi ni Duterte pagdating niya kahapon sa Davao City galing sa pagbisita niya sa India.
“Kayo nagbibigay nang malaki. I’ll just cancel your permit. I’ll tell (Environment) Secretary (Roy) Cimatu to cancel it. You are funding an organization which is bent on destroying my country, our country,” dagdag ng Pangulo.
Muling nangako ang Pangulo na “tatapusin” niya ang mga rebeldeng komunista, at binigyang-diin na hindi na kailanman magkakaroon ng usapang pangkapayapaan ang gobyerno sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-NPA.
“Itong NPA, totodasin ko talaga sila. Tatapusin ko. The talks are over. No more talks,” ani Duterte.
Tiniyak din ng Pangulo na papanagutin niya ang mga “legal fronts” ng NPA na kumokolekta ng buwis mula sa mga negosyante.
Una nang nilagdaan ng Pangulo ang proklamasyon na nagdedeklara sa CPP-NDF-NPA bilang isang teroristang grupo, alinsunod sa Human Security Act ng bansa.
Ang nasabing proklamasyon ay kasunod ng pagsuspinde ni Pangulong Duterte sa lahat ng negosasyon ng pamahalaan sa CPP-NDF-NPA kaugnay ng matitinding pag-atake ng kilusan sa mga pulis at sundalo.
Inaasahang pormal na maghahain ng petisyon sa regional trial court ang Department of Justice (DoJ) upang opisyal na ideklara ang NPA bilang mga terorista.
“So, huwag tayong magbolahan. So, I’m waiting for the decision of the Supreme Court. ‘Pag lumabas ‘yan (NPA) as terrorist, which you are, really are. Imposing taxes here and there. Mabuti pa kayo, mas marami ang kita,” ani Duterte.