Ni Fer Taboy
Patay ang isang barangay chairman at kasama nito makaraang pagbabarilin sa bayan ng Carmen sa North Cotabato, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), ang mga biktimang sina Renato Ortiz, chairman ng Barangay General Luna; at Reynaldo Nobleza, residente sa nasabing barangay.
Ayon kay Supt. Tayong, nagtamo ng walong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Ortiz, habang siyam na tama ng bala naman ang tumama kay Nobleza.
Batay sa report, sinabi ni Supt. Tayong na Biyernes ng hapon at sakay sa motorsiklo ang dalawang biktima pauwi sa Sitio Tapulon sa Bgy. General Luna nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulong pagnanakaw na motibo sa insidente.
Ayon sa report ng Carmen Municipal Police, nawawala ang sling bag ni Ortiz na naglalaman ng P100,000 cash.
Sinabi ng pulisya na ang nasabing halaga ay mula sa pagbebenta ng opisyal ng kanyang ani sa bayan.
Patuloy na isinasagawa ng pulisya ang imbestigasyon.