Ni JIMI ESCALA
KUWENTO sa amin ng isang source na nagtrabaho sa katatapos na seryeng Pusong Ligaw, naimbiyerna ang mga staff kay Bianca King na nag-astang prima donna habang kinukunan ang serye.
Tama ba naman daw na ibinitin ni Bianca ang ilang eksena na lang niya sa huling episode ng panghapong serye na pinangungunahan nina Diego Loyzaga, Raymond Bagatsing, Sofia Andres, Albie Casino, Enzo Pineda at Beauty Gonzales.
Nagkaroon daw kasi ng technical problem ang finale taping ng Pusong Ligaw at siyempre na-extend ng ilang oras ang taping hanggang sa mag-uumaga nang naayos ang problema.
Dahil sa problema ay isa-isang pinakiusapan ang lahat ng cast at crew na mag-stay muna silang lahat sa set dahil hindi pa puwedeng i-pack up ang taping.
Pero sa sa kabila ng mga pakiusap ay umalis pa rin si Bianca sa taping at kitang-kita raw sa mukha nito ang pagkaimbiyerna.
“Mabuti na lang nagawan ng paraan ng production people ‘yung supposed to be mga natitirang eksena ng Bianca na ‘yan. Kitang-kita kong nahirapan ang mga staff para lang magawan ng remedyo.
“Kaya dinig na dinig kong nagdayalog pa ang isa sa mga staff na medyo mataas ang tungkulin na hinding-hindi na sila papayag na makatrabaho pa siya ulit,” sey pa ng source namin.