Nina NIÑO N. LUCES at AARON B. RECUENCO

LEGAZPI CITY, Albay – Rumagasa ang kulay-tsokolate at mabahong tubig sa mga ilog sa Albay habang tuluy-tuloy na bumubuhos ang malakas na ulan sa lalawigan.

Sinabi ni Tabaco City Councilor Raul Borejon na sa Tagas River sa kanyang siyudad ay napansin ng mga residente ang pagkukulay-tsokolate ng tubig, bukod sa mabaho ito.

Aniya, bago sumabog ang Bulkang Mayon nitong Enero 13 ay hindi nagkukulay-tsokolate at hindi rin lumalaki ang tubig sa kanilang lugar kapag umuulan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod sa Tagas River, kulay tsokolate at mabaho rin ang tubig sa San Jose River sa bayan ng Malilipot at sa Basud River sa Sto. Domingo, habang bukod sa nag-iba ng kulay ay lumaki rin ang tubig sa Yawa River na nag-uugnay sa mga bayan ng Daraga at Legazpi. Sa Bulawan River sa Malilipot, halos itim at mainit naman ang tubig.

LAVA FLOW

Naniniwala si Borejon na patunay ito ng minor lava flow na nagmumula sa iba’t ibang daluyan ng Mayon sa unang distrito ng Albay.

Kaagad namang inilikas ang mga residente kasunod ng paglalabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng lahar warning bandang 10:30 ng umaga kahapon.

Sa Guinobatan, masusing nakaantabay kahapon ang municipal disaster officer na si Henry Ocsinola sa rumaragasang tubig sa kalsada habang patungo siya sa lahar flow danger zone sa Barangay Maninila.

“I am monitoring the color of the floodwater. If it turns dark brown or black, that means trouble, a very big trouble,” sabi ni Ocsinola.

ALAALA NG ‘REMING’

Inatasan ni Guinobatan Mayor Anne Ongjoco na magsagawa ng monitoring sa sitwasyon sa lugar, sinabi ni Ocsinola na kulay-tsokolate rin ang tubig sa kanilang lugar noon nang magkaroon ng malawakang lahar flow sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Reming’, na pumatay sa mahigit 1,000 katao noong 2006.

“Hindi lang basta lahat,” aniya, at itinuro ang naglalakihang bato sa gilid ng kalsada, partikular ang malapit sa spillway na aniya’y sumabay sa baha. “Galing lahat ‘yan sa Mayon Volcano.

Just imagine what those ‘Reming’ victims suffered that time.”

“The entire Barangay Maninila is a lahar and flashflood danger zone. There was already a study that if huge volume of water similar to the Reming occured, this barangay will be wiped out, will disappear in the map,” ani Ocsinola.

NAGLALAKIHANG BATO

Habang kinakapanayam si Ocsinola, napatigil siya at pinahinto ang panayam bago itinuro ang malalaking bato na tangay-tangay ng malakas na agos ng tubig. Kasunod nito, umalingawngaw ang serye ng mistulang kulog.

“Heard that sound? That’s the sound of boulders cascading,” sabi ni Ocsinola. “It’s time to go. It is no longer safe here.”

Matatandaang ibinabala ng volcanologist na si Paul Alanis na isa sa mga hudyat ng paparating na lahar flow ang naglalakihang bato na mistulang nag-uumpugan habang pababa mula sa bundok.

“If you hear that sound. You have to evacuate as quickly as possible. That is the sound of boulders cascading down the slopes of the volcano,” ani Alanis.