Ni Malu Cadelina Manar
KIDAPAWAN CITY, North Cotabato – Nasa 36 na high school student sa pampublikong paaralan sa North Cotabato ang nagreklamo ng pananakit ng ulo at tiyan makaraang makakain ng ferrous sulfate o iron supplements na ibinigay ng health staff nitong Biyernes, ayon sa isang opisyal mula sa Cotabato schools division ng Department of Education (DepEd).
Inihayag ni Cotabato Schools Division Superintendent Omar Obas na kaagad na isinugod sa ospital ang naturang bilang ng mga estudyante ng Pigcawayan National High School, sa bayan ng Pigcawayan.
Sinabi ng doktor ng ospital kay Obas na dumaranas lamang ang mga estudyante ng “mass hysteria” na dulot ng mga negatibong ulat tungkol sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia.
Ayon kay Obas, nagsimula ito nang magsuka ang isang estudyante at magreklamo ng pananakit ng tiyan makaraang kumonsumo ng ferrous sulfate.
“When her classmates learned of her situation, some of them also complained the same. So, there was a mass hysteria.
Understandably, these students knew about what happened with Dengvaxia vaccine,” ani Obas.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi kailangang mangamba ng mga magulang sa kalagayan ng mga estudyante, gayundin ang mga ito, dahil iba ng iron supplements sa Dengvaxia vaccine, na ipinamigay sa iba’t ibang parte ng Luzon noong 2017.
Nakaabot sa kaalaman ni Obas, na pagkatapos ng klase ay nakauwi ang mga estudyante sa kani-kanilang bahay nang ‘healthy, safe, and sound.’
Nitong Biyernes ay nabigyan ng libreng ferrous sulfate ang mga estudyante sa elementarya at high school sa iba’t ibang bayan sa North Cotabato.
Nilinaw din ni Obas na mga tauhan ng Department of Health (DoH)-North Cotabato ang namahagi ng food supplements sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.
Hindi kabilang ang North Cotabato sa mass vaccination program ng DoH kontra dengue, ayon pa kay Obas.