ANG Panatag Shoal — na Bajo de Masinloc para sa mga taga-Zambales, at Scarborough Shoal naman sa mga pandaigdigang mapa — ay posibleng maging sentro ng tumitinding palitan ng batikos ng China at Amerika.
Ang Panatag ay bahagi ng South China Sea at nasa 230 kilometro sa kanluran ng Zambales. Dahil dito, malinaw na saklaw ito ng 370-kilometrong Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Hindi natin ito sinosolo subalit mayroon tayong karapatan upang idebelop ang mga likas na yaman nito, sa bisa ng UNCLOS.
Subalit ang Panatag ay bahagi rin ng South China Sea na nakapaloob sa nine-dash line na iginigiit ng China bilang bahagi ng makasaysayang teritoryo ng soberanya nito. Pinangalanan pa nga ito ng China: Huangyan.
Hindi kinikilala ng Amerika — gaya ng iba pang bansa sa mundo — ang nine-dash claim ng China. Itinuturing ng mundo ang kabuuan ng South China Sea bilang isang pandaigdigang teritoryo na bukas sa paglalayag ng lahat ng barko ng kahit na anong bansa. Maaari ring lumipad ang eroplano ng lahat ng bansa sa planeta sa ibabaw ng nasabing karagatan.
Naglayag nitong Miyerkules ang USS Hopper sa loob ng 22 kilometro ng Panatag, na bahagi ng matagal nang paninindigan ng Amerika na malayang paglalayag at paglipad sa papawirin ng South China Sea. Inatasan ng Chinese Navy ang nasabing barko ng Amerika na umalis sa lugar habang nagbabala naman ang foreign ministry na magsasagawa ito ng “necessary measures” upang maprotektahan ang soberanya nito.
Gaya ng mga naunang kumprontasyon, walang inaasahang kahihinatnan sa huling insidente na ito. Patuloy na maglalayag sa South China Sea ang mga barkong pandigma ng Amerika, igigiit ang kalayaan sa paglalayag sa itinuturing nitong pandaigdigang karagatan. Kapag nangyari ito, muling magbabanta ang China sa Amerika at sa iba pang barko laban sa paglalayag sa inaangkin nitong teritoryo.
Hanggang hindi nauuwi sa hindi maganda ang mga kumprontasyong tulad nito, hindi tayo dapat na mabahala, gayundin ang mga bansang karatig natin. Subalit isa sa mga araw na ito, posibleng magkaroon ng marahas na pagkilos ang sinumang sundalo, o tripulante, o piloto ng alinmang panig, at siyempre pa ay gaganti ang kabila. Sisiklab ang digmaan at maaaring makisali ang iba pang mga bansa sa lugar — ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei, lalo na at may inaangkin ding mga isla sa South China Sea ang nasabing mga bansa.
May espesyal na kahulugan ang Panatag Shoal para sa atin. Nang ipalabas ng United Nations Arbitral Court sa Hague noong 2016 ang pasya nito na nagbabasura sa nine-dash-line claim ng China, idineklara ng hukuman ang Panatag bilang malayang pangisdaan ng maraming bansa. Ito ay bukod pa sa katotohanan na ang Panatag ay saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, na nagbibigay sa atin ng higit na karapatan, kaysa ibang bansa, upang pakinabangan ang mga likas-yaman nito.
Sa ngayon, ang pinakamatinding pinagmumulan ng ating pangamba sa bahagi nating ito sa mundo ay ang banta ng North Korea na nuclear attack sa Amerika at ang babala ng matinding ganti mula sa huli. Pero nariyan din ang takot na sumiklab ang karahasan sa pagitan ng puwersa ng China at Amerika kapag nagkakaroon ng kumprontasyon sa South China Sea.
Ang problema ay ang kawalan ng nakikitang solusyon dito, dahil walang plano ang China na isuko ang pinaninindigan nitong soberanya at hindi rin naman basta titiklop ang Amerika sa ipinaglalaban nitong kalayaan sa paglalayag at ang kahandaan nitong ipagtanggol ang ipinaglalaban.