Ni AARON B. RECUENCO

LEGAZPI CITY – Dahil sa siksikan sa mga evacuation center sa Albay ay mabilis na kumakalat ang respiratory diseases sa mga bakwit, partikular na sa mga bata.

Ayon kay Dr. Antonio Ludovice Jr., hepe ng Albay Provincial Health Office (PHO), ang mga acute respiratory disease na tulad ng ubo at sipon ang karamihan ng ikinokonsulta sa isinagawang health monitoring sa 73 evacuation center sa tatlong siyudad at anim na bayan sa Albay.

Kaagad naman niyang nilinaw na ang makapal na abong patuloy na ibinubuga ng Bulkang Mayon ang dahilan ng mga kaso ng respiratory diseases sa mga bakwit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It is more of congestion and their condition in the evacuation centers,” sabi ni Ludovice.

Bukod sa namimigay ng mga banig at kutson upang maiwasan ng mga bakwit ang paghiga sa konkretong lapag, at face mask at insect repellent lotion laban sa lamok, namamahagi rin ang PHO ng multi-vitamins araw-araw upang mapalakas ang immune system ng evacuees.

Batay sa datos ng PHO, may kabuuang 1,222 bakwit ang mayroong ubo at sipon, habang apat ang may bulutong—na naka-isolate na at dadalhin sa ospital.

“All the medications and even hospital expenses are being shouldered by the government,” ani Ludovice.

Sinabi rin ng opisyal na inaalam din nila ang pinagmulan ng diarrhea sa ilang evacuation center sa Sto. Domingo at Camalig.

Aniya, hindi ito maaaring isisi sa inuming tubig, dahil lahat ng evacuation center ay may supply na mineral water.

Batay sa datos, may 30 kaso ng pagtatae sa mga bakwit.

Kinumpirma rin kahapon ni Ludovice na simula nang magkaroon ng malawakang evacuation nitong Lunes ay mayroon nang dalawang bakwit na nasawi—na kapwa dumadanas ng pneumonia bago pa lumikas.

Batay sa huling datos kahapon ng umaga, may kabuuang 19,972 pamilya o 76,757 indibiduwal na ang kasalukuyang nakatuloy sa 73 evacuation center sa Albay.

Samantala, umabot na sa mahigit 25 million cubic meter ng pyroclastic materials ang ibinuga ng Mayon simula nang tumindi ang pag-aalburoto nito dalawang linggo na ang nakalipas.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mas marami pa ang ibubuga ng bulkan, dahil ang nasabing bilang ay kumakatawan lamang sa 30 porsiyento ng inaasahan nilang ilalabas ng bulkan.