Ni Marivic Awitan

LITERAL na dinikdik ng reigning women’s champion Arellano University ang isa sa napipisil na title contender San Beda, 25-17, 25-10, 25-17, kahapon upang makamit ang unang semifinals berth sa NCAA Season 93 volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

volleyball copy

Ipinakita ng Lady Chiefs sa pamumuno ng beteranong hitter na si Jovelyn Pardo ang kanilang championship form makaraang pulbusin ang Lady Red Spikers sa labanan kahapon ng dalawang unbeaten teams.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nagpaulan ng siyam na service aces ang Lady Chiefs kumpara sa dalawa lamang ng Lady Red Spikers na naging balakid ang naitalang 31-errors para masabayan ang Lady Chiefs na mayroon namang 17 errors.

Nagtapos si Prado na may 17 puntos, habang sumunod naman si Regine Arocha na may 10 puntos bilang topscorers para sa nasabing ikapitong sunod na panalo ng Arellano.

Wala namang nakapagpakita ng magandang laro para sa San Beda na pinangunahan nina Nieza Viray at Cesca Racracquin na kapwa nagposte lamang ng tig-anim na puntos.

Nauna rito, sinimulan ng Arellano Braves at ng Arellano Chiefs ang nakumpleto nilang three-game sweep kontra San Beda matapos magtala kapwa ng straight sets win kontra Red Cubs at Red Spikers ayon sa pagkakasunod.

Ginapi ng AU Braves ang Cubs, 25-19,25-22,25-16 sa pangunguna ni Julian Concepcion na may 14 puntos habang pinaamo ng Chiefs ang Red Spikers, 25-23 , 25-19, 25-16.