Ni PNA

DAHIL sa idaraos na Madrid Fusion Manila (MFM) sa Abril ngayong taon, ipinagmalaki ni Tourism Secretary Wanda Teo na ang Pilipinas ay “making headway” dahil nakikilala na ito ngayon bilang sentro ng gastronomy sa Asya.

Sa ginaganap na Madrid Fusion (MF) sa Palacio del Congreso, inimbitahan ng Department of Tourism (DoT) ang mga partisipante sa ikaapat na MFM sa Abril 19-21 sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Katuwang ang Foro de Debate, ang may-ari ng MF franchise, layunin ng MFM 2018 — na may temang “Innovating Tradition” — na maipagpatuloy ang kamulatan at mahimok ang pagdalo ng marami sa pinakaaabangang Philippine culinary event na magbibida sa bansa bilang pangunahing gastronomical destination sa Asya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pahayag na binasa ni Pamela Samaniego, project director ng MFM 2018, sinabi ni Teo na epektibong napagbubuklod ng MFM ang mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, media, akademya, at lokal na komunidad.

“We are rallying behind one common goal of establishing the Philippines as a center of gastronomy on this part of the world. We are making great headway. And for this, we are thankful to all of you,” saad sa pahayag ni Teo.

Sa kanyang panig, sinabi ni Samaniego na tatlong taon na ang nakalipas nang simulan ng bansa ang nasabing proyekto, at hindi pa alam noon ng iba’t ibang bansa ang mga putahe at sangkap na tatak Pinoy.

“Today, food forecasts name Philippine cuisine as the next big food trend,” sabi ni Samaniego.

Ayon sa DoT, matagumpay na nakakuha ng atensiyon ang booth ng Pilipinas sa MF sa Palacio del Congreso dahil sa mga sample ng lokal na produktong inihain nito, gaya ng matatamis na kutkutin, ng mga kakanin, gayundin ng mga bagong luto na sinigang na baka, chicken arroz caldo, at adobong manok.

Bukod sa masasarap na pagkain, binibigyang-kaalaman din ang mga bisita tungkol sa pinagmulan ng bawat pagkain, kung paano inihahanda ang mga ito, gayundin ang mga lugar sa bansa kung saan ito matitikman.