Ni REGGEE BONOAN
MAY kiliti rin naman pala sa katawan si Ryza Cenon, kasi naman laging mga seryoso ang ginagampanang karakter sa mga pelikula at TV series. Kaya nakakagulat na bentang-benta sa mga nakapanood ng Mr. & Mrs. Cruz ang mga punchline niya kay JC Santos na talagang saludo kami sa galing sa pag-arte. Muli na namang napatunayan ng binata sa pelikulang ito na mahusay siyang artista.
Mataas ang expectation namin sa Mr. & Mrs. Cruz na unang mainstream movie ni Direk Sigrid Andrea Bernardo dahil sa naging super blockbuster na huling indie film niyang Kita Kita.
In fairness, hindi naman nahuli ang Mr. & Mrs. Cruz dahil magkaiba naman sila ng atake. Parehong seryoso ang mga artista ng latest movie ni Direk Sigrid pero nagawa niyang maging komedyante sina JC at Ryza.
Sa Kita Kita, komedyante si Empoy Marquez pero napaseryoso ni Direk Sigrid at gayundin si Alessandra de Rossi na forte ang drama at comedy.
Hindi maikakailang 90’s baby si Direk Sigrid na lumalabas sa mga pelikula niya, tulad sa Kita Kita na may eksenang ‘bubuka ang bulaklak, papasok ang reyna’ at sa Mr. & Mrs. Cruz naman ay may ‘appear at disappear’ naman sina JC at Ryza.
PG 13 ang Mr. & Mrs. Cruz ay dahil may pagka-naughty si Direk Sigrid na ipinakita ang maseselang parte ni JC tulad ng butt at pag-focus sa lower part nito habang nakasubsob si Ryza sa kalasingan.
Sa pelikula yata niya inilalabas ang mga iniipon niyang emosyon dahil loveless siya, ha-ha-ha.
At ang pinakanakakaloka kaya naghiyawan ang lahat ng tao sa SM Megamall Cinema 7 ay ang brief hacks scene nina JC at Ryza at kung anuman iyon ay mas magandang panoorin para mas may impact.
May natutuhan kami sa brief hacks na ito ni JC at may idea na kami kung sakali mang mangyari ito sa amin kapag nagbakasyon kami.
Higit sa lahat, naaliw kami kay Nemo, yes, ang isdang bida sa Finding Nemo (2003) na kasama rin sa pelikula dahil nahanap siya ni Ryza bilang si Gela sa napakagandang El Nido beach.
Bigla tuloy kaming nag-emote dahil Finding Nemo ang unang pelikulang pinapanood ng anak naming si Patchot nang paulit-ulit simula 6 months old siya hanggang 5 years old kahit puro gasgas na ang DVD.
May nagtanong sa amin kung kikita ito katulad ng Kita Kita, puwedeng oo at puwedeng mild hit, bakit? Dahil hindi pangmasa ang pelikula, pero tiyak na klik sa mga estudyante na mahilig sa mga fairy tale love story at romance.
Marami kasing daldalan ang pelikula, pero kung uunawaing mabuti ay maganda ang mga dialogue at magaling na storyteller talaga si Direk Sigrid dahil sa simpleng eksena ay nagawan na niya ng maraming kuwento.
Pero siyempre, crossed fingers tayo na bumenta ang Mr. & Mrs. Cruz sa lahat ng sinehang pinagpapalabasan nito simula nitong Miyerkules dahil marami naman matutunan dito, in fairness.
Wish namin sa next movie ni Direk Sigrid ay naka-full tank na ang kamera niya para bumilis-bilis ang takbo at para lalong mag-enjoy ang moviegoers. Ang Mr. & Mrs. Cruz ay produced ng Viva Films at Idea First Company.