Ni Reggee Bonoan
MULING tutuntong sa stage ng Music Museum ang grupong Freshmen na kinabibilangan ninaSam Ayson, Patrick Abeleda, Thirdy Casa, Levy Montilla, at Gerick Gernale para sa dalawang gabing pre-Valentine show, sa Pebrero 8 at 9, na may titulong All We Need Is Love… Love Is All We Need!
Makakasama ng Freshmen ang pamosong The Philippine Madrigal Singers.
‘MADZ’ ang tawag sa Madrigal Singers na pawang mga estudyante, faculty at alumni mula sa University of the Philippines ang miyembro. At bilang Philippine ambassador of culture and goodwill ay may pagkakataon silang makapagtanghal sa mga royalty at heads of state.
Iniuwi nila ang Grand Prix sa 64th International Choral Competitionsa Arezzo, Italy na nag-qualify sa kanila para sa European Grand Prix na ginawa naman sa Tolosa, Spain noong 2017.
Kasama rin sa fund-raising concert sina Bimbo Cerrudo, Nicole Laurel Asencio, Joey de Guzman, at ang RLSAA Chamber Orchestrana binubuo ng young artists.
Ang RLSAA Chamber Orchestra ay regular performers sa iba’t ibang events ng DepEd (National, regional at division levels), at parte rin ng concert for a cause ng Bikes for the Philippines Foundation Inc., o ang MUSIKLETA na ginanap sa OnStage Greenbelt One, Makati noong December 20, 2016.
Ang RLSAA ay nasa pangangalaga ni Giuseppe Andre Diestro, art area specialist na ang passion ay mag-develop ng young musical artists bilang pagbabalik-pabor sa bansa bilang produkto siya ng Angono Folk Artist.
Ang benefit concert na ito ay para sa iba’t ibang programa at proyekto ng Helping One Person Everyday (HOPE) Movement tulad ng Healing on Wheels -- medical mission for the elderlies in the metropolis and in the provinces; Food on Wheels — feeding program for indigents; Home on Wheels—finding shelter for abandoned elderlies and orphans; Justice on Wheels — free consultation on legal matters; Livelihood on Wheels — focus on jobs creation related to wellness and food industries; at Art Workshop.
Ang two-night concert ay produced ng Today’s Production & Entertainment sa pangunguna ni Ms. Vicky Solis at iba pang kaibigan.
Samantala, bilib na bilib ang entertainment press sa version ng Freshmen ng awiting Perfect ni Ed Sheeran at Versace on the Floor ni Bruno Mars dahil ang ganda ng blending nila at partida pa na apat lang ang nakarating sa presscon pero naitawid nila ng maganda ang kanta.
Humingi pa nga ng dispensa ang Freshmen dahil nga kulang sila ng isa kaya sinasalo nila ang parte ng kasamang hindi nakarating.
At dahil millennial songs ang kakantahin ng Freshment ay kasama ang dalawang awitin sa repertoire nila.
Laging kasama ang Freshmen sa lahat ng shows ni Ms. Vicky dahil maraming naghahanap sa kanila at higit sa lahat, gusto rin silang bigyan ng pagkakakitaan dahil puro sila estudyante na pinapa-aral ang mga sarili at higit sa lahat, hindi nila pinababayaan ang pag-aaral nila.
Nakakatuwa ang Freshmen na halatang mababait na bata dahil kahit na pawang lalaki ay lagi pa rin nilang kasama ang kanilang magulang, e, malapit na silang tumuntong ng 20.
Nakakontrata ang Freshmen sa Viva Records. Sana lang ay maisama rin ang grupo sa mga show/concert nina Sarah Geronimo, Anne Curtis, JaDine at iba pa.
Para sa tiket, tumawag lamang sa 09178118336/6542051. Ito’y nagkakahalaga ng P5,000 (donor); P3,000 (VIP 1); P2,000 (VIP 2); P1,000 (Orchestra A & H/Balcony.
Ang All We Need is…Love; Love is All We Need ay ididirehe ni Dino Domingo produced ng Today’s Production & Entertainment at ang sponsors ay Erase, Lamp Quarters, Chives, Fleek, Las Paellas, VBS Business Group, Solis Medina Limpingco & Fajardo Lawyers at iba pa.