Ni Genalyn Kabiling at Beth Camia

Iniluklok kahapon ng Malacañang si Commissioner Prospero De Vera III bilang officer-in-charge ng Commission on Higher Education (CHEd).

Sa isang memorandum, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na si De Vera ay magsisilbing CHEd OIC “to ensure the continuous and effective delivery of public service”, batay na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte. Ito ay magiging epektibo sa lalong madaling panahon.

Nilagdaan ni Medialdea ang memorandum nitong Miyerkules, Enero 24.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dating vice president for public affairs ng University of the Philippines (UP) bago itinalagang komisyuner noong Setyembre 2016, si De Vera ang hahalili kay Patricia Licuanan, na nagbitiw kamakailan sa kasagsagan ng mga alegasyong ipinupukol sa kanya kaugnay ng mga biyahe niya sa labas ng bansa.

Matatandaang sinabi ni Licuanan na pinagbitiw siya ng Malacañang sa puwesto, anim na buwan bago matapos ang kanyang termino sa Hulyo.

Kalaunan, inamin ni Pangulong Duterte na sinibak niya si Licuanan.