Ni Celo Lagmay
KASABAY ng halos sunud-sunod na kamatayan ng sinasabing naturukan ng Dengvaxia, lumutang din ang katakut-takot na turuan, sisihan at takipan sa pagdinig sa Senado kaugnay ng kontrobersiyal na P3.5 bilyon na vaccination program. Nasubaybayan ko ang ganito ring pag-usad ng mga public hearing sa Kamara kaugnay naman ng iba’t ibang masasalimuot na isyu, tulad ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sa pagdinig kamakailan sa Senado hinggil sa Dengvaxia issue, tahasang sinisi ni dating Secretary Enrique Ona ng Department of Health (DoH) si dati ring DoH Secretary Janette Garin sa nakakikilabot na ‘health nightmare’ na idinulot ng palpak na anti-vaccine program ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino. Walang kagatul-gatol na ipinahiwatig ni Ona na ang sumunod na liderato ng DoH ay may pananagutan sa lahat ng desisyon kaugnay ng anti-dengue vaccine.
Wala akong napansing pangingimi kay Ona nang kanyang tandisang itinanggi na kasama siya ni dating Pangulong Aquino sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa Beijing, China noong Disyembre 2014. Ang naturang reaksiyon ay nakaangkla marahil sa testimonya ni Aquino nang siya ay dumalo kamakailan sa Senate hearing -- kasama ang ilan sa mga miyembro ng kanyang Gabinete. Kapuna-puna na tila nangangapa sa pangangatwiran ang nabanggit na mga dating opisyal ng gobyerno. Ang naturang pag-aapuhap ng dahilan ay may kaakibat kayang turuan, sisihan at takipan?
Naalala ko ang ganito ring pag-usad ng Senate hearing tungkol naman sa nakakikilabot na Mamasapano massacre na naging dahilan ng kahindik-hindik na kamatayan ng SAF 44 heroes. Sa naturang pagdinig na dinaluhan ni dating Pangulong Aquino at ng iba pang military at police officials, hindi ba katakut-takot din ang pagtuturuan at sisihan na hanggang ngayon ay nangangailangan ng mga pagpapaliwanag? Nakasampa sa Sandiganbayan ang mga kaso hinggil sa naturang isyu; hindi na dapat busisiin.
Sa kabila ng puspusang pagsusuri ng mga eksperto upang tiyakin na Dengvaxia nga ang dahilan ng kamatayan ng sinusuri nilang mga bangkay, naroroon pa rin ang mga pag-aalinlangan. Mismong mataas na opisyal ng Sanofi pasteur ang may ganitong pagdududa.
Gayuman, kailangang malantad ang katotohanan at papanagutin ang mistulang mga salarin sa kamatayan ng hinihinalang naturukan ng Dengvaxia; kasabay ng pag-ugat sa mga dapat managot sa SAF 44 massacre. Sa gayon, ang mga namatay sa naturang bakuna at masaker ay hindi manatiling biktima ng turuan, sisihan at pagtatakipan.