Ni Clemen Bautista

SA karaniwang galaw ng buhay ng ating mga kababayan lalo na sa mga manggagawa, ang araw ng Lunes ay simula ng unang araw ng isang linggong trabaho. Gayundin sa mga mag-aaral. Balik-paaralan matapos ang dalawang araw na bakasyon.

Ngunit sa mga taga-Jalajala, Rizal, ang Enero 29, Lunes, ay natatanging araw sapagkat simula ito ng paglulunsad ng proyektong “ARAW NG KALINISAN”.

Ayon kay G. Boy Francisco, executive assistant ni Jalajala, Rizal Mayor Ely Pillas, ang paglulunsad ng “Araw ng Kalinisan” project ay gagawin sa Sitio Linis, Barangay Sipsipin, isa sa sampung barangay na nasa Jalajala. Ito ay magsisimula sa ganap na 1:30 ng hapon. Tampok na panauhing tagapagsalita si Rizal Governor Rebecca Nini Ynares.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Magbibigay din ng mensahe si Jalala Mayor Ely Pillas.

Ang paglulunsad ng “Araw ng Kalinisan” ay dadaluhan ng mga miyembro ng Sanggunain Bayan, ni Jalajala Municipal Administrator Elmer Pillas, mga opisyal ng barangay, mga guro, mga mag-aaral at mga environmentalist. May sampung barangay sa Jalajala at ito ay Bgy. Sipsipin, Special District, Second District, Third District, Bayugo, Punta, Palay-Palay, Pagkalinawan, Lubo, at Bgy. Bagumbong. Ang nag-iisang mountain barangay ay ang Bgy. Paalaman.

Ang pangunahing layunin ng “Araw ng Kalinisan” project, na bahagi ng programa sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan ni Mayor Ely Pillas, ay mapalawak, palakasin at mapalalim pa ang malasakit at ang kamalayan sa environmental protection ng mga taga-Jalajala. Ang proyektong “Araw ng Kalinisan” ay karagdagang suporta ng pamahalaang bayan sa YES (Ynares Eco System) to Green Program na flagship project ni Rizal Gov. Ynares at sa Oplan BUSILAK (BUhayin Sapa, Ilog, Lawa at Karagatan) na proyekto rin ni Gov. Ynares.

Layunin ng Oplan BUSILAK na makatulong na matugunan ang epekto ng climate change. At magkaroon ng kamalayan ang mga Rizalenyo at ang mga mamamayan sa pangangalaga sa mga daluyan ng tubig. Ang YES To Green Program naman ay binubuo ng anim na component tulad ng cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recyling o tamang waste management, environment protection at turismo.

Ang Jalajala ay isa sa anim na bayan sa Eastern o Silangang bahagi ng Rizal. Dulong bayan na ito ng probinsiya.

Tahimik, malinis at isang agricultural town. May malawak na bukirin at kabundukan. Nasa pagitan ng bundok at Laguna de Bay. Masipag ang mga mamamayan na ang karamihan ay magsasaka, mangingisda at mga propesyonal na nagtatrabaho sa ibang bayan sa Rizal, Metro Manila at sa ibang bansa. May loob sa Diyos at nagpapahalaga sa kanilang tradisyon at kultura.

Dahil sa pagiging tahimik at malinis na bayan, ang Jalajala ay tinawag na Paraiso ng Rizal mula nang manungkulan si Mayor Ely Pillas noong 2004, mula sa pagiging 6th class municipality ay naiangat sa pagiging 4th class municipality.

Nakapagpagawa ng bagong munisipyo. Naayos ang ospital at nakapagtayo ng mga school building sa tulong ng pamahalaang panlalawigan. Sa paglilingkod, binigyang prayoridad ang edukasyon at kalusugan at pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.