Ni NORA CALDERON
KAHIT ilang beses nang nagbida si Andre Paras, lalo nung magka-love team pa sila ni Barbie Forteza sa mga show nila sa GMA-7, no problem sa kanya kung supporting roles man ang assignments niya ngayon sa dalawa niyang bagong shows, ang Sirkus every Sunday at ang Sherlock Jr. sa daily primetime block ng GMA-7.
“Yes, no problem po sa akin iyon, what’s important may trabaho ako,” sagot ni Andre. “Mas nakakagawa po ako ng iba’t ibang role, like sa Sirkus isa akong circus performer kasama ang mga lead stars na sina Mikee Quintos at Mikoy Morales. At dito sa Sherlock Jr. pulis ako na best friend ni Ruru Madrid as Sherlock. May isa pa akong show, ang Sunday Pinasaya na mas nahahasa naman ako sa pagho-host at pagko-comedy. Focus po muna ako sa work dahil ini-enjoy ko naman, wala akong reklamo sa busy schedule ko dahil gusto ko ang ginagawa ko.”
Kinailangan munang tumigil ng pag-aaral si Andre, kumukuha siya ng Filmmaking, dahil sa dami ng work niya.
Pero kumukuha siya ng English online para magkaroon siya ng diploma. Itutuloy niya ang Filmmaking dahil gusto niyang magdirek. Hindi rin nalilimutan ni Andre ang basketball kaya tuloy pa rin ang training niya, pero sa ngayon ipinauubaya na muna niya sa kapatid na si Kobe ang sports. Gusto nitong magkaroon ng career sa NBA. Naka-base sa California ang nakababatang kapatid.
“Enjoy po ako sa role ko bilang isang policeman na kaibigan ni Sherlock sa pag-solve ng mga kaso nito, kaya medyo seryoso po ang mga eksena ko. Pero kapag hindi na po ako naka-uniform, p’wede kaming magkulitan ni Sherlock.”
Natawa si Andre nang sabihang baka makalimutan na niya ang kanyang love life dahil sa busy schedules niya.
“Zero po, sacrifice muna ang love life dahil sa work!”
Ang Sherlock Jr. na nagtatampok din kina Gabbi Garcia, Janine Gutierrez at sa superstar dog na si Serena o si Siri, ay mapapanood na simula sa Monday, January 29, pagkatapos ng 24 Oras.