Ni Bella Gamotea

Pinalawak ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ngayong Biyernes ang kampanyang “Tanggal Bulok,Tanggal Usok” laban sa mga kakarag-karag at mauusok na public utility vehicle (PUV) sa Metro Manila, at ikakasa na rin maging sa Cavite, Laguna, Bulacan, at Antipolo City sa Rizal.

Sinimulan ngayong araw ng I-ACT ang kampanya nito sa mga nabanggit na lalawigan upang tuluyang alisin sa kalye ang mga bulok at mauusok na pampublikong sasakyan, na nagdudulot ng matinding trapiko bukod pa sa polusyon sa hangin.

“These areas affect traffic in the metropolis as most commuters coming from these provinces are working in Metro Manila,” sabi ni General Manuel Gonzales, pinuno ng I-ACT Task Force Alamid.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Binubuo ang 120-strong I-ACT composite team ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Joint Task Force-National Capital Region, at mga local government unit (LGU).

Sinabi naman ni I-ACT head, Department of Transportation Undersecretary for Road Transport and Infrastructure at concurrent MMDA General Manager Tim Orbos, na humiling sa kanilang tanggapan ang mga taga-Cebu at Davao para ipatupad na rin sa kani-kanilang lugar ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” campaign.