HINDI tayo maaaring makabuo ng bagong Konstitusyon habang hindi pa man ay kabi-kabila na ang palitan ng mga parunggit at batikos ng mismong mga lilikha nito. Hindi pa nga natatalakay ang mga usapin sa probisyon ng panukalang bagong Konstitusyon. Pinag-uusapan pa lang ang paraan kung paano rerebisahin o aamyendahan ang kasalukuyang batas. Subalit ang mga halal na opisyal na magsasagawa nito — sa Senado at sa Kamara de Representantes — ay nagpapalitan na ng insulto at mistulang hindi na mapagkakasundo pa sa mahalagang tungkulin na kanilang gagampanan.
Idineklara ng mga pinuno ng Kamara na maaari nilang amyendahan ang Konstitusyon sa isang Constituent Assembly kahit na wala ang Senado kung makakakuha sila ng higit sa three-fourths ng boto ng mga miyembro ng Kongreso. Mayroon silang 293 kasapi habang 24 lamang ang sa Senado, kaya sinasabi nilang higit pa ang mga kongresista sa three-fourths ng kabuuang 317 miyembro.
Dahil sa nakalululang kalamangan na ito sa bilang, naniniwala sila—at hindi sila nag-aalangang sabihin ito—na hindi na kailangan ng Kamara ang mga senador. Kaya na nilang amyendahan ang batas. Nagsimula na rin silang magtalakayan hindi lamang tungkol sa pagbubuo ng federal na sistema ng gobyerno, kundi sa pagkakaroon ng unicameral parliament o Kongreso, at iginiit na ang kasalukuyang bicameral system ay nagpapabagal lamang sa trabaho sa pamahalaan. Ang ilan sa kanila ay nagsimula nang pag-usapan ang tungkol sa sampung-taong adjustment, na mananatili sila sa kani-kanilang puwesto nang hindi na kakailanganin pang ihalal muli.
Pumalag ang mga kasapi ng Senado sa paghahayag ng mga salitang gaya ng “ridiculous” at “pathetic”. Ang “Kongreso” na tinutukoy ng Konstitusyon, anila, ay tumutukoy sa dalawang kapulungan, ang Senado at ang Kamara. Hindi maaaring solohin ng Kamara ang Constituent Assembly; kailangang pumayag muna ang Senado sa nasabing paraan ng pag-aamyenda sa batas. Sakali naman, anila, na kailangang aprubahan ng plebisito ang mabubuo sa Con-Ass, mangangailangan ng pondo ang plebisito at mapagtitibay lamang ang nasabing gastusin sa pagtutulungan ng Senado at Kamara.
Ang kasalukuyang problema ay nag-ugat sa probisyon sa Konstitusyon na, “Congress, by a three-fourths vote of all its members” ay maaaring magpanukala ng mga pagbabago sa Konstitusyon. Ayon sa mga kasapi ng komisyon na bumuo sa umiiral na 1987 Constitution, ang nasabing probisyon ay binuo sa paniwalang ang bagong Kongreso ay magiging isang unicameral body. Subalit sa pagtatapos ng sesyon ng komisyon, nagwagi nang lumamang ng isang boto ang para sa bicameral na Kongreso. Kaya naibalik ang dalawang kapulungan, bawat isa ay bumoboto nang hiwalay sa pagpapatibay ng mga batas at iba pang pagpapasya, gaya ng pagdedeklara ng digmaan at pagpapatalsik sa puwesto sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nabatid na ang boto para sa bicameral na Kongreso ay bunsod ng pahayag ng isa sa mga delegado na sa pagpapasya ay mga puno ang nakikita ng mga kongresista, habang ang buong kagubatan naman ang natatanaw ng mga senador. Ang mga kongresista ay inihahalal ng kani-kanilang constituents, kaya nakatutok sa mga pangangailangan at problema ng kanilang nasasakupan; buong bansa naman ang naghahalal sa mga senador kaya ang pagdedesisyon nito ay nakatuon sa kapakanan ng lahat ng mamamayan sa bansa, kaya nasabing buong kagubatan ang tinatanaw nito. Parehong mahalaga ang dalawang punto; kaya napagpasyahan ang bicameral na Kongreso.
Anuman ang kahihinatnan, ang naging pagtatalo sa nasabing probisyon sa Constituent Assembly ay nagresulta sa kasalukuyang problema na tinampukan na ng mga mapang-insultong komento, mga indikasyon ng pagkakaroon ng makitid na utak.
Hindi ganito dapat ang gawi ng mga bubuo sa ating Konstitusyon. Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, “From my brief experience in Congress, Congress is not just deliberative. It’s consensual. You need to build consensus.”
Inaasahan nating ang komentong ito, na marahil ay sumasalamin sa mismong pananaw ni Pangulong Duterte, ay magbibigay ng kaliwanagan sa mga kasapi ng Kamara at Senado para sa mas maayos, mas bukas, at mas maaliwalas na talakayan. Ang bagong Konstitusyon ay dapat na produkto hindi ng mga may saradong pag-iisip kung hindi ng pagkakasundo na sumasalamin sa bansa ng mga Pilipino at sa pagiging matatag at mapang-unawa nito habang binubuklod ng diwa ng pagkakaisa.