Ni PNA
ANIM na beses na mas malaki ang panganib ng atake sa puso sa isang taong mayroong influenza infection, sa unang linggo pa lamang simula nang matukoy ang sakit, ayon sa bagong pag-aaral.
Sinuri ng mga mananaliksik sa Canada ang halos 20,000 kaso sa Ontario ng laboratory-confirmed influenza infection simula 2009 hanggang 2014, at napag-alaman na 332 pasyente ang naospital dahil sa atake sa puso, sa loob ng isang taon makaraang ma-diagnose na mayroong flu.
Nakakita sila ng malaking kaugnayan sa pagitan ng malalang respiratory infections, partikular ang trangkaso, at acute myocardial infarction, ayon sa pag-aaral na inilathala sa New England Journal of Medicine.
Mas malaki ang tsansa ng panganib sa matatanda, mga pasyente na mayroong influenza B infections, at mga pasyenteng unang beses na inatake sa puso.
Napag-alaman din ng mga mananaliksik na lantad din ang panganib, hindi man kasing tindi ng kapag may flu, sa impeksiyon mula sa iba pang respiratory virus.
“Our findings are important because an association between influenza and acute myocardial infarction reinforces the importance of vaccination,” lahad ng pangunahing awtor na si Jeff Kwong, siyentista sa Institute for Clinical Evaluative Sciences (ICES) at Public Health Ontario (PHO).
“People at risk of heart disease should take precautions to prevent respiratory infections, and especially influenza, through measures including vaccinations and handwashing,” lahad ni Kwong.
Binigyang-diin pa ng mga manananaliksik na hindi dapat ipagpaliban ng mga pasyente ang ebalwasyong medikal sa loob ng unang linggo ng malalang respiratory infection.