Ni REGGEE BONOAN
TRENDING ang pagkikita nina Tristan (Daniel Padilla) at Malia (Kathryn Bernardo) sa episode ng La Luna Sangre nitong Miyerkules. pati kami ay napatigil sa aming ginagawa nang magkaharap sila sa gitna ng malawak na bukirin.
Galit ang mukha ni Tristan na nakatingin kay Malia na punumpuno naman ng pananabik at pagmamahal ang nararamdaman sabay yakap.
Nadala kami sa eksena at iritang-irita kami kay Malia kasi hindi niya napansin o naramdaman na galit sa kanya ang kaharap ‘tapos hayun at panay pa ang yakap.
Sabi ng kasama naming nanonood, “Ano ka ba, eh, bulag sa pag-ibig kaya hindi niya ramdam na galit sa kanya si Tristan.”
Nanlilisik at namumula ang mga mata ni Tristan habang kausap si Malia at sinabing, ‘Hindi na ako ang Tristang kakilala mo, di ba nga, magiging magkalaban tayo sabi sa propesiya?’ Pero hindi pa rin naniwala ang dalaga dahil panay pa rin ang pagsusumamo na, ‘mag-usap tayo, ipaintindi mo sa akin ano’ng nangyayari.’
Nakakagigil kasi hindi pa rin ramdam ng dalaga na kalaban na niya ang lalaking minamahal. Napapabayaan na niya ang pagiging Pinunong Bantay dahil sa kakaisip at kakasunod kay Tristan kaya hayan, plano siyang pabagsakin ng mga kasamahan niya sa LLU (La Liga Unida) na sina Pinky Amador at Denise Laurel.
Sila pala ang tinutukoy ni Ketchup Eusebio na may mga lihim na kaaway si Malia na gustong magpapabagsak sa kanya pero inakala ng huli na ang binata kasi nga lagi siyang kinokontra tuwing may pulong silang mga LLU (La Liga Unida).
At dahil nagkasagutan na sina Malia, Denise at Pinky ay nagbitiw na ang una bilang Punong Bantay na tinututulan naman nina Joross Gamboa, Erika Padilla at Tony Labrusca.
Nakakatuwa ang komento ng ilang supporters ng KathNiel dahil okay lang sa kanila ang bagong itsura ni Tristan. May nabasa pa kaming, ‘Kung ganyan naman ang titig sa ‘yo ay okay ng magpakagat’ na ibig sabihin ay tanggap nilang magiging magkaaway ang dalawang bida ng LLS.
Curious kami kung ano ang gagawin ni Tristan kay Prof T (Albert Martinez), patayin din kaya niya pagkatapos niyang gamitin o kunan ng impormasyon? O sa bandang huli ay tatalikuran niya ang pagiging kapatid ni Sandrino/Supremo? Excited na rin kasi kami sa twist ng istorya.