MALAYO pa sa katapusan ang kaguluhang magaganap sa buhay nina Bianca (Kim Chiu) at Gabriel (Gerald Anderson) dahil ang bagong silang nilang anak ang gagamitin nina Carlos (Jake Cuenca) at Isabel (Coleen Garcia) upang makapaghiganti at bawiin ang lahat ng nararapat sa kanila sa huling linggo ng Ikaw Lang ang Iibigin.
Pagbabayaran na ni Carlos ang lahat ng kanyang kasalanan ngayong bistado na ang ugnayan niya sa mga sindikatong gustong pumatay kay Gabriel, pati na rin sa pagpatay niya kay Nanay Maila (Bing Loyzaga), ang ina ni Bianca, kasama ang ama niyang si Rigor (Daniel Fernando).
Dahil sa patung-patong na kaso, wala nang kawala si Carlos sa habambuhay na pagdurusa sa selda. Ngunit hindi magiging hadlang ang kulungan sa kanyang kasamaan dahil makikipagsabwatan siya sa asawang si Isabel upang dukutin ang anak ng mortal nilang kaaway upang muling mapasakanila ang kayamanan.
Ito ang magiging pinakamalaking hamon kina Bianca at Gabriel ngunit gagawin nila ang lahat upang mailigtas ito.
Abangan ang kahihinatnan ng buhay nina Bianca at Gabriel at kung magtatagumpay sina Carlos at Isabel sa kanilang kasamaan.
Huwag palampasin ang huling linggo ng seryeng magpapatunay na hindi sumusuko ang puso sa pangarap at pag-ibig, ang Ikaw Lang ang Iibigin, sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).