Ni Mary Ann Santiago at Bert de Guzman
Nagpaliwanag at humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagkaunti ng mga bumibiyaheng tren ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3, na umabot na lang sa pito nitong Miyerkules ng hapon, kaya naman mas humaba pa ang pila ng mga pasahero sa mga terminal.
Sa kanilang Twitter account, humingi ng paumanhin ang DoTr sa mga pasaherong araw-araw dumaranas ng kalbaryo sa pagsakay sa MRT-3, dahil sa pagkaunti ng mga bumibiyaheng tren.
Tiniyak naman ng DOTr na hindi ito tumitigil sa paggawa ng mga paraan upang mapabuti ang serbisyo ng MRT-3.
“Ramdam po namin ang hirap na dinaranas natin araw-araw sa MRT-3. Ngunit kami po ay humihingi sa inyo (mga pasahero) ng pang-unawa at pasensiya,” ayon sa DOTr. “Hindi tumitigil ang gobyerno upang masolusyunan ang bulot ng mga problemang ukol dito.”
Samantala, pinagsusumite ng House committee on good government and public accountability ang DOTr ng final report tungkol sa vehicle logic units (VLUs) na nangangasiwa sa safety features ng mga tren ng MRT-3.
Sa pagdinig ng komite, tinalakay ang umano’y pagbili at pagkakabit ng P4-milyon “fake train safety equipment for the MRT-3, which is under the direct supervision of the DoTr.”
Hiniling ni PBA Party-list Rep. Jericho Nograles sa DoTr na isumite agad sa komite ang pinal na presentasyon sa kalagayan ng VLUs ng MRT-3.