Nina KATE JAVIER, BETH CAMIA, at ROMMEL P. TABBAD

Ipinag-utos ng Caloocan City court ang pag-aresto sa mga pulis-Caloocan na umano’y sangkot sa pagpatay sa mga teenager na sina Carl Angelo Arnaiz, 19; at Reynaldo “Kulot” De Guzman, 14.

Nilagdaan kamakalawa ni Presiding Judge Georgina Hidalgo, ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 122, ang arrest warrant para kina Police Officers 1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita.

Sa 35-pahinang resolusyon na inilabas nitong Biyernes, nakitaan ng Department of Justice (DoJ) ng probable cause upang kasuhan sina Perez at Arquilita ng two counts of murder, two counts of torture, at three counts of planting evidence para sa pagpatay kina Arnaiz at De Guzman.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Walang inirekomendang piyansa para sa dalawang pulis na kasalukuyang nasa kustodiya ng Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ipinadala ang mga kopya ng warrant sa mga hepe ng Caloocan Police at Taguig Police, Officer-in-Charge ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police’s Criminal and Investigation and Detection Group.

Samantala, ibinasura ng DoJ ang kasong murder laban kay Tomas Bagcal, taxi driver na umano’y hinoldap ni Arnaiz bago mapatay ang teenager sa sinasabing shootout sa C3 Road noong Agosto 18 ng nakaraang taon.

Inamin ng mga pulis ang pagpatay kay Arnaiz, ngunit sinabing iyon ay legitimate police operation dahil ang binatilyo umano ang unang nagpaputok ng baril.

Samantala, labis na ikinatuwa ng Public Attorney’s Office (PAO) ang utos ng Caloocan court na ipaaresto sina Perez at Arquilita.

Sa bahagi ng mensahe ni PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, abogado ng dalawang biktima, sinabi niya na “justice prevailed” matapos ipag-utos ng korte na arestuhin ang dalawang pulis.