Ni Johnny Dayang

MAAARING nag-react lamang ang liderato ng Kamara at mga kaalyado niya sa panunuligsa ng publiko sa napili nilang paraan sa pag-amyenda ng Saligang Batas pati na ang nakakabahalang resulta nito sa lipunan, ngunit ang kanilang over-reaction ay nagbulgar lamang ng kanilang makasariling mga interes, at pagyurak sa karapatan ng iba na hindi sumang-ayon sa kanila.

Gaya ng dapat asahan, isa ang media sa naging target ng kanilang demolition drive. Kamakailan lang, ipinanukala ni House Deputy Speaker at Capiz Rep. Fredenil na amyendahan ang Section 3, Article 4 ng Bill of Rights ng Konstitusyon at gawing ganito: “No law shall be passed abridging the responsible exercise of the freedom of speech, of expression or of the press, or the right of the people to peaceably assemble and petition the government for redress of grievances.”

Ang waring inosenteng amyendang ito na inihain sa panahon ng kumakalat na fake news o pekeng balita sa social media, ay epektibong kakahon sa press freedom at iba pang kaugnay na anyo ng pamamahayag na itinuturing na napakahalaga sa rehimeng demokrasya. Sinasalamin lamang nito ang kakapusan ng pagpapahalaga ng ilang mambabatas na dapat ay lalong pagtibayan ang press—ang tinatawag na “Fourth Estate” o pang-apat na sangay ng estado.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Para sa isang bansa kung saan madalas pinapaslang ang nambabatikos na mga peryudista, ang kanilang matatalim na komentaryo ay maituturing na salamin o sintomas lamang ng mga panlipunang katiwalian.

Sa pangkalahatan, ang media ay nagsisilbi bilang bantay na hiwalay sa interes ng mga nagtutunggaliang partido na kalimitan ay mga pulitiko na ginagamit ng kanilang impluwensiya at burukratikong kapangyarihan para abusuhin ang mga mamamayan na kanilang sinumpaang paglingkuran.

Marami rin ang bulok na mamamahayag na ginagamit ang media upang makapanirang-puri at paratangang buktot ang ilang inosenteng partido, ngunit hindi ito sapat na katwiran upang pilayan at lumpuhin ang malayang pamamahayag at iba pang mga institusyong panlipunan.

Sa ilalim ng batas, ang mga lehitimong peryodista na nahatulan ng libelo ay itinuturing na mga kriminal, samantalang ang mga pulitikong paulit-ulit na lumalabag nito ay karaniwang pinagmumulta lamang ng ilang libong piso.

Ang media ay hindi tungkol sa pagbulgar ng mga katiwalian ng mga nasa kapangyarihan. Ang mahalagang misyon nito ay ang ihatid sa taumbayan ang mga nagaganap sa kanilang kapaligiran, imulat sila sa katotohanan at mga obligasyon nila bilang mamamayan at pangalagaan ang kanilang mga garantisadong karapatan at kalayaan.