Ni Celo Lagmay

Bagamat sapat na ang inilaang pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi City, naniniwala ako na marami pang balakid sa implementasyon ng programang Bangon Marawi. At kahit mistula nang ipinangalandakan ni Pangulong Duterte ang ganap na paglaya ng naturang siyudad pagkatapos ng madugong digmaan ng Maute Group at ng ating mga sundalo at pulis, hindi pa rin lubos na napapawi ang mga agam-agam sa muling pagsiklab ng malagim na labanan.

Naghahari pa rin ang mga pangamba, halimbawa, dahil sa mga haka-haka na may mga bomba pa rin na ibinaon ang mga bandidong Muslim sa iba’t ibang lugar sa Marawi City. Ito marahil ang dahilan kung bakit may mga ulat na palihim pa ring sumisilip sa siyudad ang nalalabing mga miyembro ng Maute Group – ang mga rebeldeng Muslim na sinasabing kaalyado at suportado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Bukod sa mga bomba, may mga hinala rin na maraming balumbon ng salapi at iba pang kayamanan ang nakatago sa mga bahay at lungga.

Mabuti na lamang at tila nakahanda na ang mga kagamitan na tulad ng jackhammer at backhoe mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na gagamitin sa paghuhukay ng sinasabing mga bomba at iba pang kayamanan. Ibayong pag-iingat ang kailangan sa mapanganib na misyong ito upang maiwasan ang mga pinsala sa buhay at mga ari-arian.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kabila ng sapat na pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi City, natitiyak ko magiging maingat ang administrasyon sa walang pakundangang paggasta ng nasabing rehabilitation funds. Marapat lamang sundin ang mga proseso o pamamaraan sa pagbili ng mga materyales; kailangan ang makatarungang bendisyon, wika nga, ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Commission on Audit (COA) bago galawin ang salapi ng bayan. Ang padaskul-daskol at mapangahas na paggamit ng pondo ay malimit na humahantong sa mga hukuman.

Hindi na natin dapat masaksihan ang nakadidismayang mga isyu hinggil sa pagsusulong ng rehabilitasyon ng mga lugar na pininsala ng mga kalamidad. Ang inilaang mga gugulin para sa gayong mga programa – kabilang na ang limpak-limpak na donasyon hindi lamang mula sa ating mga kababayan kundi pati ang nanggaling sa ibang bansa – ay sinasabing nabahiran ng pandarambong ng ilang sakim na lingkod-bayan.

Ang nabanggit na mga balakid ay marapat unahing ituwid at gibain bilang paghahanda sa paglikha ng isang siyudad na tatanawin nating city of peace and progress.