Ni Francis T. Wakefield

Tatlong terorista na hinihinalang miyembro ng Maute-ISIS ang naaresto sa operasyon ng pulisya at militar sa Lanao del Sur, iniulat kahapon.

Inaresto ng mga operatiba ng Joint Task Group Haribon, Lanao del Sur Police Provincial Office, Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), at Regional Public Safety Battalion (RPSB) sina Apao Macod Dimacaling, Brad Alexander, at Kalal Ramal Berongan, alyas “Mayor”, sa Barangay Gacap, Piagapo, Lanao Del Sur bandang 4:00 ng umaga nitong Miyerkules.

Sa kanyang ulat kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) commander Major Gen. Carlito G. Galvez Jr., sinabi ni Major Gen. Roseller G,. Murillo, commander ng Joint Task Force Zampelan (Zamboanga Peninsula and Lanao) na pinaniniwalaang mga natitirang miyembro ng Maute-ISIS ang mga naaresto, at sangkot umano sa pagpatay sa tatlong Kristiyanong sibilyan nitong Disyembre 6, 2017 sa Piagapo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Murillo na nakumpiskahan ng dalawang .45 caliber pistol ang mga suspek.

Enero 20 nang makaengkuwentro ng mga tauhan ng JTF Ranao ang nasa 10 terorista ng Maute sa bayan ng Masiu, at nasamsam ng 49th Infantry Battalion ang isang M203 Grenade Launcher, dalawang rocket-propelled grenade, tatlong 60mm RPG ammunition, isang anti-tank RPG ammo, tatlong 40MM ammunition, isang granada, dalawang RPG fuse, isang binocular, isang watawat ng Islamic State at drug paraphernalia.