Ni RIZALDY COMANDA, at ulat ni Freddie G. Lazaro

LA PAZ, Abra – Kasabay ng pagdiriwang ng ikatlong taon ng paggunita sa kabayanihan ng 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na nasawi sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, isa sa mga survivor at ginawaran pa ng medalya sa nasabing trahedya ang nasawi kahapon sa pagsabog ng granada sa pagdiriwang ng pista sa La Paz, Abra.

Isa si PO3 Carlos Bocaig, tubong Abra, sa 29 na SAF survivor, sa dalawang pulis na nasawi sa pagsabog ng granada, dakong 1:30 ng umaga kahapon sa La Paz.

Napag-alaman na ilang buwan matapos ang Mamasapano clash ay hiniling ni Bocaig na mailipat siya sa Police Regional Office (PRO)-Cordillera, at partikular na maitalaga sa Abra na kanyang bayan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Namatay din sa pagsabog si PO2 Frenzel Kitoyan, ng Provincial Mobile Force Company ng Abra Police Provincial Office at nagsisilbing security sa lugar.

Nasugatan naman sa pagsabog sina Abra Rep. Joseph Santo Niño Bernos, asawang si La Paz Mayor Menchie Bernos, at 12 iba pa.

Batay sa inisyal na report, kasabay ng fireworks display ay biglang sumabog ang granada malapit sa kinaroroonan ng mga opisyal sa plaza.

Isinugod at kaagad ding nakalabas sa ospital ang mag-asawang Bernos habang naka-confine pa ang pito sa 12 nasugatan na sina acting La Paz Police chief Senior Insp. Apdilo Galong; PO2 Richard Basiag, 41, ng Danglas Police; Darroll Azdi B. Gonzales, 32, chairman ng Barangay South Poblacion, Bucay; Ryan Manasan, 37, taga-Bangued; Jayson Zales, 35, ng Bucay; Aira Cortez, 17, ng Dolores; Marc Beronilla, 24; Diosdado Mina, 18, ng Bgy. South Poblacion, Bucay; Benedicto Doque Jr., 32; Eva Marie Panagtay Sales, 38, ng Pennarubia; Juanito Zales, 37; at Leyze Rose Pe Benito, 23, guro sa Queen of Peace High School sa La Paz.

Hindi pa batid ang motibo sa pagpapasabog, at sinimulan na ang masusing imbestigasyon sa insidente.