Ni Leandro Alborote

CAMP MACABULOS, Tarlac City – Dalawang opisyal ng New People’s Army (NPA), na sangkot sa multiple murder at rebelyon, ang napatay habang nalambat naman ang isa pa matapos silang makipagbakbakan sa mga pulis at sundalo na naghain ng warrant of arrest sa Purok 6, Barangay San Miguel sa San Manuel, Tarlac, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa ulat kay Tarlac Police Provincial Office director Senior Supt. Ritchie Medardo Posadas, kinilala ang mga napatay na sina Victorio Tesorio, alyas “Dong”, 1st deputy secretary at commanding officer (CO) ng Regional Operations Command (ROC) ng Komiteng Rehiyon-Hilagang Silangang Luzon; at Lolito Raza, alyas “Lanlan”, commanding officer ng Danilo Ben Command ng WestCom-Northern Front.

Naaresto sa engkuwentro si Jose Dallente Caroy, nasa hustong gulang, may asawa, ng Purok 6, Bgy. San Miguel, San Manuel, na sinasabing tagasuporta ng kilusan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sina Tesorio at Raza ay parehong may arrest warrant sa kasong rebelyon at multiple murder.

Kinasuhan din si Caroy sa pagtatago ng mga umano’y kriminal sa kanyang bahay sa Bgy. San Miguel sa San Manuel.

Narekober sa lugar ng sagupaan ang dalawang .45 caliber pistol, dalawang granada, mga magazine para sa .45 caliber, mga bala, ilang gamit sa pampasabog gaya ng detonating cord at dalawang blasting caps, at mga subersibong dokumento.