ISANG malaking problema sa paghahanap ng ikatlong kumpanya para sa telecom industry ng Pilipinas ay ang malaking halaga ng puhunan na kinakailangan. Sa isang press conference kamakailan, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang magiging ikatlong telco sa bansa ay mangangailangang mamuhunan ng $3 billion hanggang $4 billion sa susunod na limang taon upang maipagkaloob ang lahat ng serbisyong kasalukuyang iniaalok ng dalawang kumpanyang telecom na Globe Telecoms at Smart Communications.
Subalit ang mas malaking problema ay ang pambansang seguridad, ayon sa ilang sektor, kabilang na ang mga negosyante sa Pilipinas at mga dating opisyal ng pamahalaan. “Despite the government downplaying the security risk issue arising from the entry of China Telecom in the Philippines, we believe the threat is real, especially for US firms outsourcing in the Philippines should they switch service offices,” saad sa pag-aaral ng Papa Securities.
Sa press conference sa Malacañang noong nakaraang buwanm, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nais pahintulutan ni Pangulong Duterte ang isang kumpanyang Chinese na maging ikatlong telecommunications firm sa bansa — isang “political decision” na layuning mapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at China. Inilahad ng Pangulo ang kanyang imbitasyon sa kanyang pakikipagpulong kay China Premier Li Kequiang sa Malacañang.
Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Communication Secretary Martin Andanar na isang kumpanyang South Korean ang nagpahayag ng interes na maging ikatlong telecom sa bansa, na sinundan ng pagpapahayag noong nakaraang linggo ni DICT Secretary Eliseo Rio na interesado rin ang mga kumpanyang telecom sa Japan, Taiwan, at Australia. Sa ngayon, mayroong apat na dayuhang kumpanya na ikinokonsidera para maging ikatlong telecom sa Pilipinas.
Magkakaroon ng bantang pangseguridad sakaling payagan ang alinmang dayuhang kumpanya na sumabak sa industriya ng telecom sa Pilipinas, subalit sinabi ng Papa Securities na ang posibilidad na pasukin ng China ang nasabing sektor sa bansa ay itinuturing na nakababahala para sa mga outsourcing firm ng Amerika, dahil na rin sa mga umano’y cyber attack sa mundo na iniuugnay sa China noon pa man.
Umaasa tayong hindi mababalam ng mga pangambang ito ang mga planong isinusulong ni Pangulong Duterte upang mapabuti ang serbisyo sa bansa, dahil nakasalalay dito ang napakaraming aktibidad ngayon sa bansa — sa larangan ng negosyo, gobyerno, at maging ng mga karaniwang mamamayan.
Mabibigyang-diin lamang natin ngayon ang kahalagahan ng masusing pag-iingat sa bahagi ng seguridad at ng iba pang bagay na posibleng makaapekto sa mga benepisyong inaasahan natin sa pagpapasigla at pagpapalawak sa ating telecommunications industry.
Marapat din nating tukuyin ang pangangailangan ng gobyerno na tumulong sa mga kasalukuyang kumpanya ng telecoms sa suliranin ng mga ito — gaya ng pahirapang pagpapatayo ng mga cell site — upang matamo ng industriya ang lahat ng kinakailangan nitong suporta at maging ganap at mahusay sa pagganap nito sa tungkulin sa bayan.