Nina AARON B. RECUENCO at ROMMEL P. TABBAD, at ulat ni Mary Ann Santiago

LEGAZPI CITY – Umabot na sa limang kilometro mula sa bunganga ng Bulkang Mayon ang dinaluyan ng pyroclastic materials, na mahigit 10 beses na mas mainit sa kumukulong tubig, kaya naman umabot na sa 60,000 katao ang puwersahang pinalikas sa Albay.

At mas marami pa ang ibubuga ng bulkan dahil tuluy-tuloy na napapalitan ang deposits sa loob nito, na nangangahulugang mas marami pa ang ibubuga nito sa mga susunod na araw, ayon sa volcanologist na si Ed Laguerta, ng Philippine Institute of Volcanogy and Seismology (Phivolcs).

“The runout of the PDCs on the Buyuan Channel is now exceeding five kilometers from the summit of the crater,” ani Laguerta.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Partikular na mapanganib sa mga ibinubuga ng Mayon ang pyroclastic density current o PDC (binubuo ng gas, abo, at lava), na umagos na rin maging sa Buyuan Channel patungo sa direksiyon ng ilang barangay sa Legazpi City.

Tumambak naman ang abo sa kanlurang bahagi ng bulkan, partikular sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Ligao City, Oas, at Polangui.

“These PDCs are the reason why we are recommending the evacuation in the danger zones. You will instantly die, it’s like you will melt once you are hit because of its very hot temperature,” paliwanag ni Laguerta.

Sa ngayon, pinalawak na saw along kilometro ang danger zone, kasunod ng madalas na lava fountaining at hazardous eruption.

Sinabi rin kahapon ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. na maituturing ang kasalukuyang pag-aalburoto ng Mayon sa naging pagsabog nito noong 2000 at 2001, na tinawag niyang “strombolian-vulcanian”.

Kinumpirma naman ng Department of Health (DoH) na umaabot na sa mahigit 800 evacuees ang dumaranas na ngayon ng iba’t ibang karamdaman; mula sa 947 kataong kumonsulta sa health facilities ay nasa 616, o 65%, ang kaso ng respiratory infection, na hinihinalang nakuha sa pagkakalanghap ng abo mula sa bulkan.

Nasa 120 naman ang nilagnat habang 80 ang dumaing ng sakit ng ulo.