Ni Reuters

ANG mga ina sa China na laging lantad sa mataas na antas ng polusyon sa hangin habang nagbubuntis ay mas mataas ang tsansang manganak nang mas maaga sa due date kaysa mga ina na naninirahan sa mga lugar na mas malinis ang hangin, ayon sa isang pag-aaral.

Sinuri ng mga mananaliksik ang datos ng mahigit sa 1.3 milyong malulusog na singleton pregnancies mula sa 30 lalawigan sa China noong 2013 at 2014. Halos 105,000 sa mga sanggol, o walong porsiyento, ay isinilang bago ang 37 linggong gestation kaya sila ay premature.

“We’ve long known that air pollution contributes to preterm birth,” lahad ni Dr. Leonardo Trasande, environmental medicine researcher sa New York University School of Medicine sa New York City, na hindi kabilang sa pag-aaral.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“What’s novel in this study is the careful examination of smaller particles which are more readily inhaled,” lahad ni Trasande.

Marami sa mga nakaraang pananaliksik ang nagmungkahi ng kaugnayan ng polusyon sa hangin sa panganganak nang maaga, partikular sa kung tawagin ay PM 2.5, o fine particulate matter na mas maliit sa 2.5 micrometers sa diameter, saad ni Xu Ma ng National Research Institute for Family Planning sa Beijing at ng kanyang mga kasamahan sa JAMA Pediatrics.

Ang kababaihang naninirahan sa Beijing, Tianjin, at Hebei, sa Yangtze River delta, sa Sichuan Basin, at sa Pearl River delta ay nalalantad sa PM 1 levels na mas mataas sa 52.7 ug/m3 sa buong panahon ng kanilang pagbubuntis, nabatid sa pag-aaral.

Sa bawat 10 ug/m3 taas sa pagkakalantad sa PM 1 habang sila ay nagbubuntis, mas mataas ng 20 porsiyento ang posibilidad na manganak nang mas maaga ang mga ina, at isinisilang ang kanilang mga sanggol sa pagitan ng 28 at 31 weeks gestation, at 29 porsiyento ang tsansang magkaroon ng sobrang premature baby, at isinisilang ang mga sanggol sa ika-20 hanggang 27 linggo lamang simula nang ipinagbuntis.

Karaniwang natatapos ang pagbubuntis sa ika-40 linggo, at ang mga sanggol na ipinanganak makalipas ang 37 linggo ay ikinokonsiderang full term.

Dahil ang pagkakaugnay ng polusyon sa hangin at panganganak nang maaga ay mas malaki kaysa sa kababaihang sobra ang timbang o obese, hinihikayat ang mga ina na iwasan ang panganganak nang maaga sa pamamagitan ng pagpapanatili ng timbang, pagkain nang tama, at pag-eehersisyo, ayon kay Ryan Allen, environmental health researcher sa Simon Fraser University sa British Columbia.