Ni Leslie Ann G. Aquino

Sinimulan nang imbestigahan ng Diocese of Malolos sa Bulacan ang tungkol sa viral na video ng isang pari habang nakikipagsayaw sa kanyang kapareha sa harap ng altar, sa loob mismo ng simbahan kung saan siya kura paroko.

“We are already investigating the case,” lahad ni Malolos Bishop Jose Oliveros nang kapanayamin.

Aniya, inutusan niya na si Msgr. Bartolome Santos, kanilang vicar general, na makipag-usap kay Fr. Wilfredo Lucas, ang pari sa video.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Bishop Oliveros ngunit nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa insidente.

“I am sorry this thing happened,” aniya.

Sa hiwalay na panayam, inihayag naman ni Msgr. Santos na nakausap niya na si Fr. Lucas, na labis-labis ang paghingi ng paumanhin sa kanyang inasal.

“I already made the initial ‘probe’. We will talk again tomorrow or Friday,” aniya. “He was very apologetic.”

Ang ipinangangamba umano ng naturang pari, aniya, ay ang hindi siya nabigyan ng pagkakataon na makipag-usap sa media at maipaliwanag ang kanyang panig.

Inasaahang matatapos ang imbestigasyon sa vicar general ngayong linggo.

Sa ulat sa telebisyon hinggil sa video ni Lucas, nakita ang pari na nagsasayaw ng ballroom kasama ang isang kapareha, sa harap ng altar ng San Miguel Arkanghel Parish, kung saan siya ang parish priest.