Ni Erik Espina
SUBUKAN mong maglibot-libot sa malalayong nayon. Hindi maiwasan maisip, paano kaya kapag dinapuan ng sakit ang mga ‘probinsyano’? Problema sa puso? Cancer? Dengue? Lalo na ang mga sanggol o matatanda kapag inundayan ng matinding sakuna? Sinong doktor o espesyalista ang maari nilang lapitan? Aling ospital, health center, clinic ang handang tumugon sa mga pangangailanagan ng ating mga kababayan? Paano kapag emergency pa? Lulusong na lang ba ng ilang oras na biyahe ang pobreng pasyente para matugunan sa isang matinong pagamutan?
Sa ganitong realidad, baka masawi pa sa ambulansya ang pasyente, sa haba at bugbog ng biyahe? Nilalagay ko ang aking sarili sa katayuan ng mga taga-nayon at natutulala ako kung paano nila hinaharap ang ganitong mga hamon? Ano ba talaga ang estado ng mga municipal hospitals? District Hospitals? Mga Provincial Hospitals? Ilan na kayang pamilya sa malalayong bayan ang nasawi dahil sa kalidad ng ospital? Kakapusan ng pasilidad, makabagong gamit, medisina at manggagamot? Kadalasan, dinadaan na lang sa mapormang bansag, halimbawa “Medical Center” kuno, subali’t kulang o palpak ang serbisyo. May pagsusuri ba o talaan kaya na maaring pagbatayan upang ang pamahalaang lokal, kapitolyo, at pambansang gobyerno ay magising at magsumikap?
Madilim na pangitain ang aking naaaninag. Maiging kalusugan sa ating bayan ang nakasalalay sa sapat na pag-aruga sa susunod na salin-lahi, mamamayan, at ang mga lolo at lola nating lahat. Tuloy, nagugunita ko ang aking pakikipanayam kay PCSO Director Sandra Cam (Republika Martes 8:00 NG, Destiny Channel 8, Sky 213). Kung PCSO ang direktang tatangan sa STL (Small Town Lottery), kikita ito ng P200M piso bawat araw o P6B piso sa buwanan. Hindi pa kasama mega-Lotto, sweepstakes, atbp. Huwag mga STL Franchisee na kadalasan frente ng jueteng lords. Binabalik nila ay 20%-30% sa kita lang. Ang P6B pisong kita ay dapat gawing pondo upang mamigay hindi lang ng ambulansya, kundi amphibious ambulance sa mga binabahang nayon, Xray, Dialysis Machines atbp., libreng gamot, ayusin o magpatayo ng mga ospital sa mga nayon, dagdagan ang mga doktor, nurse, atbp.