Ni Marivic Awitan
NAKATAKDANG magbukas ngayong gabi ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang torneong binuo at inorganisa ng grupo ni dating World Boxing Champion at Senador Manny Pacquiao na kinatatampukan ng mga dating professional cagers at collegiate standouts na kakatawan sa mga lugar na kanilang tinubuan sa makasaysayang Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magsasagupa sa una at nag -iisang laro ngayong opening ang koponan ng Caloocan at Parañaque na gagabayan ng beterano at multi -titled mentor na si Aric Del Rosario.
Ganap na 7:00 ng gabi ang tapatan ng Caloocan Supremos at ng Parańaque Compatriots matapos ang opening rites na tatampukan ng parada ng kabuuang sampung koponang kalahok.
Ilan sa mga manlalarong mangunguna para sa Supremos na gagabayan ni coach John Kallos sina dating Adamson University standouts Rob Manalang at Don Ochea.
Naniniwala naman si Parañaque Compatriots team owner Joan Villafuerte na mapalad ang mga manlalaro nila dahil mararanasan nilang magabayan ng isang beteranong coach na gaya ni Del Rosario.
“Our young players are so lucky that at this point of their lives, they are still able to experience coach Aric del Rosario. Para siyang tatay sa mga player niya,” ani Villafuerte.
Nakatakdang sundan ng MPBL ang format ng dating ligang Metropolitan Basketball Association na home and away games.
Kaugnay ng opening, libre ang tiket ng mga nais manood sa Araneta sa General Admission section.
May bayad namang P100 para sa gustong maupo sa Upper Box B, P150 sa Upper Box A, P200 sa Lower Box at P300 sa Patron.
May naghihintay namang mga malalaking premyo para sa lahat ng bumili ng tiket sa isasagawang raffle draw kung saan isang bagong kotse ang grand prize.
. . “It is a sort of rebirth [ng MBA] pero iniba lang natin ‘yung sistema. Dito lang muna tayo sa Luzon area, pero hopefully, kung maganda ang maging resulta, we will go to Visayas and Mindanao,” ayon kay MPBL commissioner Kenneth Duremdes.
“The Maharlika League is excited to see the new breed of our players from different places. Tingnan natin kung ano ‘yung maso-showcase nila. Maharlika is different from PBA, UAAP or NCAA. You play for your cities, iba ‘yung fans mo,” dagdag pa ni Duremdes.