Ni Aris Ilagan

SA unang pagkakataon, nagsagawa na ng pagdinig kahapon ang House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Rep. Cesar V. Sarmiento sa isyu ng habal-habal, na kung sa Ingles ay ‘motorcycle taxi.’

Halos ilang buwan na rin matapos ipatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Angkas at GrabBike, na kapwa app-based taxi ride service na may dating operasyon sa Metro Manila at ibang siyudad sa bansa.

Dahil sa mahalaga ang isyung ito na may kinalaman sa transportasyon, dumalo si Boy Commute at nakinig sa palitan ng kuro-kuro ng mga ‘pro’ at ‘anti’-habal-habal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kumpleto ang mga stakeholder at maging mambabatas na may kanya-kanyang panukala upang gawing legal ang habal-habal, partikular ang Angkas at GrabBike na kapwa nagpamalas umano ng propesyunalismo at disiplina ang driver ng mga ito sa panahon na sila’y nakabibiyahe pa.

Ngayong ipinatigil na ng gobyerno ang kanilang operasyon dahil sa kawalan ng batas upang ito ay sumailalim sa regulasyon ng LTFRB at Land Transportation Office (LTO), pumalag ang mga commuter dahil wala rin namang alternatibong masasakyan ang mamamayan.

Andyan ang araw-araw na pagtirik ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit, abusadong taxi driver, barumbadong bus at iba pa.

Nakapagdaragdag pa sa kalbaryo ng mga commuter ang maya’t mayang transport strike ng jeepney organization na pumapalag sa ipinatutupad na PUV Modernization Law.

Nakabibilib si Cebu City Mayor Tomas Osmena dahil wala itong ipinakitang pag-aalinlangan sa kanyang pagpabor sa habal-habal.

“Maihahambing natin ang habal-habal sa ‘prostitusyon.’ Ito’y ilegal subalit nagpapatuloy pa rin,” pahayag ng alkalde na dati ring miyembro ng Kamara Representantes.

Aniya, dumarami ang mga pasahero sa kanilang siyudad na nahihirapan nang makakuha ng masasakyan, lalo na tuwing rush hour.

And’yan din ang matinding traffic sa Cebu City na dahilan kaya’t maraming mga empleyado ang dumarating ng late sa kanilang opisina at madalas naboboldyak ng kanilang amo.

Sinabi pa ni Osmena na aabot sa 150,000 ang call center agent sa Cebu City at madalas silang walang masakyan kaya’t kumakagat ang mga ito sa habal-habal sa dis oras ng gabi upang makauwi lang at agad na makapagpahinga.

Aniya, dahil sa mapagkakatiwalaan ang mga app-based motorcycle taxi service, balak niyang sibakin na lang ang mga driver ng city hall at gamitin na lang ang serbisyo ng Uber o Grab sa kanilang siyudad.

“Matapos akong ihatid sa office ay wala na silang gagawin maghapon. Malaki ang matitipid ko sa Grab o Uber.”