Ni NORA CALDERON
WALA si Gabbi Garcia, ang katambal ni Ruru Madrid sa bago nilang fun investigative series na Sherlock Jr. kaya may mga nagkomento kung baka naman arte na lang ni Gabbi na may sakit ito kaya hindi dumalo.
To the rescue agad si Ruru sa kanyang ka-love team, dahil kinailangan daw talagang dalhin sa hospital si Gabbi na hindi na matiis ang sakit sa tiyan. Later, nalaman sa findings na may maliliit na gallstones si Gabbi at kailangang maipahinga muna ang katawan.
During the open forum ng grand launch, humingi ng prayers si Ruru para sa paggaling ng ka-love team.
Thankful si Ruru na muling ibinalik ng GMA love team nila ni Gabbi na naging very close na sa kanilang pagtatrabaho.
Sa first project pa lamang kasi nila sa network, sila na ang pinagtambal. Pero sa Encantadia last year, binigyan si Ruru ng ibang katambal, si Kylie Padilla at kalaunan si Arra San Agustin. Pero ngayon nga ay muli silang pinagsama.
Gayunpaman, ang unang katambal ni Ruru sa Sherlock Jr. ay si Janine Gutierrez, bilang first girlfriend niya at later on, ang away-bati nilang eksena.
Sino ba ang mas magaang kasama sa dalawa?
“Si Janine po ay una kong nakasama sa Encantadia pero hindi kami nagkaeksena,” sabi ni Ruru. “Nakaka-inspire siyang kaeksena, at hindi ko alam na ganoon siya kabait. Ang ganda-ganda niya, ang eyes niya parang nangungusap kapag tinitingnan ka niya, madadala ka.
“Pero siyempre po ay masasyang-masaya ako dahil magkasama kami muli ngayon ni Gabbi. Although every Sunday po naman sa Sunday Pinasaya, kami pa rin ang laging magka-love team. Magaan pong katrabaho si Gabbi at very comfortable na kaming magkasama.”
Hindi napaamin si Ruru na girlfriend na niya si Gabbi, talaga raw naging very close lang sila simula pa noong unang pagtatrabaho nila. Focused daw muna sila pareho ni Gabbi sa work nila lalo’t pareho silang busy ngayon.
Pabirong sabi pa ni Ruru, ang girlfriend niya ay si Serena o si Siri, ang aso na lagi niyang kasama sa mga eksena ng bagong serye.
Sa Monday, January 29 na mapapanood ang pilot episode ng Sherlock Jr. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA-7.