Ni Bert de Guzman

HINDI lang sa Senado mukhang mababalaho ang isinusulong na pagbabago sa Konstitusyon ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at ng kanyang rah rah boys sa Kamara kundi maging sa iba pang sektor ng lipunan.

Kabilang dito ang tatlong malalaking business group na suportado nila ang pag-aalis sa economic restrictions sa pamamagitan ng Con-Ass (constituent assembly), pero kailangang ihalal ang mga delegado ng isang Con-Con (constitutional convention) kung sa mga pagbabago ay kabilang ang pagbabago sa sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Sa pahayag na inisyu ng Makati Business Club (MBC), Management Association of the Philippines (MAP), at Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), kumporme sila na baguhin ang ilang probisyon ng 1987 Constitution upang ito ay maging higit na “adaptable and responsive to current social and economic realities.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kamakailan, ang MAP at ang Philippine Business Group (PBG) ay nag-isyu rin ng pahayag na suportado nila ang economic Cha-Cha, at ang Con-Ass ay sapat na para mag-amyenda subalit dapat bumoto nang hiwalay at malaya ang dalawang kapulungan.

Para kay Speaker Bebot, itutuloy nila ang Con-Ass kahit hindi lumahok ang Senado. Tutol dito ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sinabing labag ito sa batas. Maging ang kaparian, este mga pari at obispo ng Catholic Bishops of the Philippines (CBCP), ay salungat sa pagsosolo ng Kamara para lang matupad ang pagsususog sa Constitution.

Itinaboy ng China ang US guided missile destroyer noong Sabado na naglayag malapit sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal). Inakusahan ng China ang US ng paglabag sa “soberanya” nito nang maglayag malapit sa Panatag. Ayaw makialam ng Malacañang sa sigalot ng US at China.

Inaangkin ng bansa ni Pres. Xi Jinping ang Panatag Shoal (Scarborough) kahit ito ay saklaw ng Philippines’ exclusive economic zone (EEZ).Walang magawa ang PH sa pag-okupa rito ng China at maging si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay nag-aatubili na sabihin sa China (na kinakaibigan niya) na teritoryo natin ito at dapat igalang ang desisyon ng Arbitral Court sa Netherlands.

Kahit hindi bilib si PRRD sa Simbahang Katoliko (hindi Katolika, ito ay tama kung Iglesia Catolica) at ilang beses na minumura ang mga pari, obispo at lider nito, kabilang si Pope Francis, sinabihan niya ang Ateneo classmates (Class 1961) na manatiling loyal o tapat sa mga prinsipyo ng Jesuits o Society of Jesus.

Sa reunion ng Class 1961 ng Ateneo de Davao University, naroon si Finance Sec. Carlos Dominguez, classmate ng pangulo. Si Mano Digong ay na-expel sa unibersidad dahil sa “kalokohan” kung kaya tinapos niya ang high school sa Cor Jesu College sa Digos sa Davao del Sur. Minsan daw ay nakipagsuntukan siya kay Carlos Tionko, isang kaklase. Talagang “sakit ng ulo” ng ama at ina ang batang Duterte.

Nakatutuwang malaman na sa kabila ng pagmumura at pagbatikos sa mga pari, si PDu30 pala ay may “malambot” na puso sa mga prinsipyo ng mga Heswita. Binanggit niya ang “social justice, selfless service and equality as the values innate in Jesuit principles.”