Ni Bella Gamotea
Nagbukas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 100,000 karagdagang online passport appointment slots para sa Pebrero hanggang Mayo matapos ulanin ng batikos ang Facebook page ng kagawaran ng mga Pilipino at mga overseas Filipino worker (OFW), kaugnay ng umano’y anomalya sa bentahan ng renewal appointment slots.
Base sa ilang reklamo, walang makuhang appointment slots para sa Marso at pinagdududahan ng mga ito ang sabwatan umano sa pagitan ng DFA at ng travel agencies na nagbebenta ng slots ng P5,000 pataas.
Mariin itong itinanggi ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano, gayundin ng mga travel agency sa bansa, at posibleng kagagawan umano ito ng mga sindikato na gumamit ng “bots” at “grab” slots na ibinebenta.
Tiniyak ni Cayetano na tututukan nito ang mga nasabing reklamo at una na siyang humiling ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa insidente.