Ni Freddie Lazaro, Fer Taboy, at Francis Wakefield
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Gamu, Isabela – Dalawang tauhan ng Philippine Army, isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), at tatlong kasapi ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Pinukpuk Kalinga at sa Makilala, North Cotabato nitong Martes.
Dalawa ring miyembro ng NPA ang nasugatan sa bakbakan ng NPA at ng 50th Infantry Battalion sa Sitio Matayog, Barangay Baay sa Pinukpuk, Kalinga nitong Martes.
Kinumpirma ni Brigadier General Perfecto M. Rimando Jr., commander ng 5th Infantry Division, na dalawang sundalo niya ang nasawi sa engkuwentrong sumiklab bandang 10:00 ng umaga.
Hindi pa rin kinikilala ng militar ang miyembro ng CAFGU na nasawi sa bakbakan sa Makilala, na ikinamatay ng tatlong rebelde na kabilang sa nang-harass umano sa patrol base ng militar sa Sitio Garing, Bgy. Luayon sa Makilaa.
Tumagal ng halos dalawang oras ang bakbakan, bago tuluyang umatras ang mga rebelde.
Samantala, sinalakay din ng nasa 10 rebelde ang San Jose Patrol Base ng militar sa San Mariano, Isabela bandang 9:10 ng gabi nitong martes.
Nagkaroon ng engkuwentro, na tumagal ng limang minuto.
Dakong 9:15 ng gabi nang salakayin din ng mga rebelde ang Casala Patrol Base sa San Mariano pa rin, at inabot din ng limang minuto ang sagupaan.