Ni ANTHONY GIRON
BACOOR, Cavite – Nasa 400 pamilya ang nawalan ng tirahan kahapon ng tanghali makaraang sumiklab ang isang oras na sunog na tumupok sa nasa 200 bahay sa Barangay Tabing-dagat sa Bacoor City, Cavite.
Walang nasawi sa sunog na nagsimula bandang 10:17 ng umaga at naapula dakong 11:17 ng umaga.
Hindi pa batid ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, na tumupok sa karamihan ay gawa sa light materials na mga bahay.
Tinaya naman ni Supt. Christopher F. Olazo, hepe ng Bacoor Police, sa P1.5 milyon ang napinsala sa sunog.
Dinala ang mga nasunugan sa evacuation area sa Bacoor National High School compound sa Bgy. Tabing-dagat.