DAHIL sa maaaksiyong eksena at supernaturally fantastic adventures ay tinututukan ang primetime series ng GMA Network na Super Ma’am. At ngayong finale week, mas maiinit pang tagpo ang dapat abangan.
Ayon sa lead star ng Primetime serye na si Marian Rivera, masaya siya hindi lang sa magagandang feedback sa serye kundi pati na sa samahang nabuo sa cast.
“Siyempre mixed emotions ako, na masaya dahil ito ‘yung comeback ko sa primetime, ‘tapos masaya ako sa response ng tao, and thankful ako dahil nabuo ‘yung family namin ng cast dito sa Super Ma’am. Grabe bonding namin dito, eh, parang magkakapatid na talaga.”
Samantala, labis ang tuwa ni Minerva at ng pamilya niya nang malaman na ang nawawalang kapatid na si Mabelle ay tunay ngang si Avenir (Kim Domingo). Masaya ang dalawa pero hindi pa rin maalis sa isip ni Minerva ang pagdududa na ginagamit pa rin ni Greta (Jackie Lou Blanco) si Avenir laban sa kanila, lalo na nang maging mapagtanong si Avenir tungkol sa mga sakras.
Ang plano naman ni Greta na pag-isahin ang mga Tamawo at ang Liping Ulupong ay nagiging matagumpay na ngayong gustong ipaghiganti ng snake sisters ang pagkamatay ng mga kapwa nila Amazona.
Kaabang-abang kung paano ililigtas ni Super Ma’am ang mga tao mula sa mga gustong sumalakay sa kanila at kung mananatili ba si Avenir bilang masugid na tagasunod ni Greta o tuluyan na siyang papanig sa kabutihan?
Samahan si Minerva bilang Super Ma’am ngayong huling linggo (Enero 22-26) pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.