Ni AARON RECUENCO, at ulat nina Rommel P. Tabbad, Ellalyn De Vera-Ruiz, at Leslie Ann G. Aquino

LEGAZPI CITY, Albay – Puputulin ng mga awtoridad ang supply ng tubig at kuryente ng mga residenteng ayaw umalis sa pinalawak na eight-kilometer danger zone upang mapilitan ang mga itong pansamantalang lisanin ang kani-kanilang tirahan kasabay ng banta ng mga volcanologist na anumang oras ay magkakaroon ng matinding pagsabog ang Bulkang Mayon.

Ayon kay Ed Laguerta, ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), batay sa historical data ng Mayon ay hindi maaalis ang posibilidad na magkaroon ng napakalakas at mapaminsalang pagsabog ang bulkan, gaya ng nangyari noong 1984.

“What the Mayon is showing for the moment based on our instruments that we analyzed, there are no signs that we are heading towards that one but we are not discounting that possibility,” sabi ni Laguerta. “That is why we are monitoring it on a day to day basis because there could be changes any time.”

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang matinding pagsabog ng Mayon noong 1984 ay nagbunsod ng malalakas na lindol, na naramdaman hanggang sa Legazpi City at sa mga lugar na malapit sa bulkan.

TULUY-TULOY SA PAG-AALBUROTO

Simula nang magkaroon ng hazardous eruption nitong Lunes ng tanghali na nagbunsod upang itaas sa Level 4 ang alerto sa bulkan, dalawang beses pang nagbuga ng pyroclastic density current o PDC (binubuo ng abo, gases, at lava) ang bulkan bandang hapon.

Kumalat ang abo sa direksiyon ng mga bayan ng Guinobatan, Polangui, Oas, at Ligao City, at nakarating hanggang sa Iriga City at sa kalapit na lalawigan ng Camarines Sur.

Nagkaroon din ng degassing na umabot sa 500 metro ang taas, bukod pa sa limang lava fountaining hanggang kahapon ng umaga.

“The lava fountains reached as high as 500 to 700 meters and generated ash plumes that went as high as three kilometers above the crater,” anang volcanologist na si Paul Alanis.

Nagkaroon din ng dalawang lava collapse kahapon, bandang 9:00 ng umaga at 2:00 ng hapon.

40,000 BUMAKWIT

Dahil dito, sapilitan na ang paglilikas sa mga residenteng nasa eight-kilometer danger zone, at umabot sa 9,906 na pamilya, o 39,250 katao ang nailipat sa 28 evacuation center sa Albay.

Kinumpirma ni Albay Gov. Al Francis Bichara na nagbukas ng mga checkpoint ang militar at pulisya sa paligid ng Mayon upang pigilan ang mga residenteng nais bumalik sa kani-kanilang bahay.

“But I think these checkpoints are useless. These hard-headed people will always find ways to avoid checkpoint and eventually go back to their homes,” ani Bichara.

Sinegundahan naman ito ni Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO).

“So our solution is to cut the water and electricity supplies in these areas to totally discourage them from going back. They go back because they still feel comfortable in their homes but if you cut the supply, I don’t think they will still go back,” ani Daep.

AYUDA, DONASYON

Samantala, inihayag kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa halos P20 milyon ang naipagkaloob ng kagawaran na ayuda sa evacuees sa Albay na apektado ng pag-aalburoto ng Mayon.

Umaapela na rin ng donasyon ang Caritas Manila para sa mga bakwit sa Albay, at bukod sa pera ay matindi rin ang pangangailangan ng mga bakwit sa pagkain, tubig, gamot, kulambo, kumot, face mask, sleeping mat, hygiene kit, at panggatong.

Maaaring ipagkaloob ang mga donasyon sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier (libre), o sa mismong tanggapan ng Caritas Manila sa 2002 Jesus St. Pandacan, Maynila, o sa Radio Veritas sa West Ave. corner EDSA, Quezon City.