Ni Light A. Nolasco

TALAVERA, Nueva Ecija - Nagrereklamo ang ilang mamimili sa kawalan ng mabibiling bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa mga pamilihan sa Nueva Ecija.

Batay sa reklamo, halos magdadalawang linggo nang walang supply ng NFA rice sa mga palengke sa lalawigan.

Nabatid na nagpaplano na umanong magsara ng tindahan ang ilang NFA rice retailer dahil sa kawalan ng maibebenta, kabilang ang kooperatibang ASKI.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Limang hindi pinangalanang negosyante ng buro sa bayan ng Talavera ang kabado ring mawawalan na sila ng kabuhayan dahil ang NFA rice—na nagkakahalaga ng P28 kada kilo—ang kanilang isinasaing.

Ayon sa isang tindera ng NFA rice, dati ay may 10-15 sako ng NFA rice ang idine-deliver sa kanya, pero matagal na umanong walang supply ay wala ring paliwanag sa kanila kung bakit.

Umaayaw naman ang mga mamimili sa commercial rice dahil aabot sa P50 o higit pa ang bentahan sa kada kilo nito sa ngayon.

Kaugnay nito, nilinaw ni NFA-Region 3 Director Rex C. Estoperez na walang kakapusan ng NFA rice sa rehiyon, at hinihintay lamang ng ahensiya ang order galing sa NFA Council para sa bagong presyo ng nasabing bigas.

Aniya, kailangang maubos muna at maibentang lahat ang lumang stocks ng NFA rice, bukod pa sa aminado siyang nagkaroon ng bahagyang delay sa schedule ng delivery ng bigas.