NAKASAAD sa year-end report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines at ng Truck Manufacturers Association na 425,673 sasakyan ang nabenta noong 2017. Ito ay 18.4 na porsiyentong as mataas sa bilang ng nabentang sasakyan noong 2016.
Itinuturing nating senyales ng masiglang ekonomiya ang datos na ito. Ang 286,249 na commercial vehicle — mga truck at bus—na nabenta noong 2017 ay higit pang magpapaalagwa sa mga negosyo sa bansa, habang ang 139,424 na kotseng nabenta ay nangangahulugan ng gumiginhawang buhay ng mga nasa middle class.
Gayunman, hindi natin maiiwasan ang implikasyon ng magandang balitang pang-ekonomiya na ito sa problemang matagal nang idinadaing sa Metro Manila — ang pagsisikip ng trapiko na nagbunsod upang maging pahirapan ang pagbibiyahe sa Kamaynilaan. Dahil karamihan sa libu-libong truck at kotseng nabenta noong nakaraang taon ay madadagdag na rin sa mga nagsisikan sa karaniwan nang hindi gumagalaw na trapiko sa Metro Manila.
Nagkaroon ng mga bahagyang ginhawa sa nakalipas na mga buwan dahil sa pagsasara ng ilang terminal sa EDSA ng mga bus na biyaheng probinsiya, sa paglalaan ng espesyal na lane para sa mga motorsiklo, sa tuluy-tuloy na pagpapagarahe sa mga luma at kakarag-karag na jeepney, at sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng mga batas-trapiko. Gayunman, marami pang kailangang gawin upang mapabilis ang trapiko sa Metro Manila.
Dahil sa tuluy-tuloy at hindi maiiwasang pagdami ng sasakyan sa mga kalsada, ang tanging solusyon na posibleng maging epektibo ay ang pagpapadami ng espasyo para sa mga sasakyang nagsisiksikan sa trapiko. Inaaksiyunan na ito ng gobyerno sa paglulunsad ng serye ng proyekto sa kalsada at riles, alinsunod sa programang pang-imprastruktura ng pamahalaan na “Build, Build, Build!”.
Samantala, nagsimula na ang pagpapatayo sa bagong linya ng Metro Rail Transit (MRT) mula sa North Avenue sa Quezon City hanggang sa San Juan del Monte City sa Bulacan. Ang bagong proyektong ito at ang nagpapatuloy na pagkukumpuni sa maraming kalsada ay inaasahan nang magpapalala pa sa trapiko, subalit ipinangakong aapurahin ang konstruksiyon — hindi tulad ng maraming nakalipas na proyekto na nananatili pa ring nakatengga hanggang ngayon.
Isa sa mga matagal nang nakatiwangwang na proyekto ay elevated highway na mag-uugnay sa North Expressway at South Expressway. Kapag natapos na ito at ang mga bagong proyekto — kabilang ang subway mula sa Quezon City hanggang sa Taguig City patungo sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City — ay nakumpleto na rin, maipagmamalaki na ng Metro Manila ang sistema ng transportasyon nito.
Dapat nating tanggapin ang katotohanan na lulubha pa ang sitwasyon ng trapiko bago pa bumuti ito. Sa pag-asam na ito ay maipauunawa sa mga motorista na habaan pa ang pasensiya sa pakikipagsiksikan sa trapiko sa araw-araw. Sumusulong ang ating ekonomiya at tuluy-tuloy naman ang pagpapatayo ng mga kalsada at iba pang imprastruktura bilang bahagi ng umaalagwa nating ekonomiya.