Ni Bert de Guzman

MAKAKAYA bang i-bully ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez ang Senado sa pamumuno ni Senate Pres. Aquilino “Koko” Pimentel III, pangulo ng PDP-Laban? Si Speaker Bebot ay matalik na kaalyado ni Pres. Rodrigo Roa Duterte samantalang si Sen. Koko ang pangulo ng PDP-Laban, ang partido ni Mano Digong.

Para sa mga senador, hindi kayang takutin ni Alvarez ang Senado para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng isang constituent assembly (Con-Ass ) para bumoto nang magkasanib ang mga senador at kongresista. Ilan ba ang mga kasapi ng HOR (House of Representatives) at ilan ang mga miyembro ng Senado? Aba, halos 300 ang mga kongresista at 23 lang ang mga senador. Eh, di lalamunin lang ng Kamara ang Senado kapag magkasanib silang bumoto.

Nais ng mga senador na dapat bumoto nang hiwalay ang dalawang kapulungan. Ayaw nilang maging “rubber stamp” tulad ng HOR na kung ano ang gustong ipagawa umano ng Malacañang, yuko-ulo itong susunod kahit tutol ang taumbayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naniniwala ang mga senador na dapat ipagtanggol ang kanilang pagiging “independent” o malaya na sa pakiramdam nila ay pinagbabantaan ni Speaker Bebot na ipilit ang magkasanib na pagboto sa pag-aamyenda sa 1987 Constitution. Desidido si Alvarez na i-convene ang Kongreso bilang Con-Ass kahit wala ang mga senador. May banta pa siyang hindi bibigyan ng pondo ang mga probinsiya na salungat sa pederalismo na gusto ni PRRD.

May kasabihan sa Tagalog na “Iba ang tinititigan sa tinitingnan”. Parang ganito ang nangyayari sa isyu ng pagkakaloob ng permiso o access sa mga dayuhan na interesadong magsagawa ng scientific research sa Benham Rise na saklaw ng Pinas.

Pinayagan ng Duterte admin sa pamamagitan ng Dept. of Foreign Affairs na magsagawa ng scientific marine research ang China o Institute of Oceanology of Chinese Academy of Sciences (IO-CAS) sa Benham Rise. Gayunman, tinanggihan ng DFA ang request ng French-based non-profit organization na Tara Expeditions Foundation, na gumawa ng pananaliksik sa general area na ang China ay magsasagawa rin ng marine scientific research.

Ayon kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, tinanggihan ng DFA ang French request dahil ang lugar daw o area na gagawan ng pananaliksik nito ay “quite sensitive”. “The reason why we did not approve it (is because) a sensitve part of Palawan (is what) they want to look into”, katwiran ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano.

Napabulalas ang kaibigan kong palabiro-sarkastiko: “Bakit ang mga reef at shoal na sakop ng ating territoryo ay inookupahan ng China, pinagbabawalang mangisda ang mga Pinoy, pero tameme si PDu30 at pipi si Cayetano? Komento ni senior-jogger na tumigil sa paglagok ng kape: “Iba ang tinititigan kaysa tinitingnan. Ang tinititigan dito ay ang paboritong China at ang tinitingan dito ay ang France at iba pang hindi fave ng PRRD administration.”