Ni Fer Taboy

Nilalapatan ngayon ng lunas ang 11 sundalo at isang school principal na nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang military truck sa gilid ng highway sa Barangay Salaan sa Zamboanga City nitong Sabado, ini-report ng pulisya kahapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), nangyari ang insidente sa Sitio Lugakit sa Barangay Salaan ng nasabing lungsod.

Grabeng sugat ang natamo nina Sgt. Roy Rodriguez, 37 anyos; T/Sgt. Paterno Ramillano, 43; Pfc. Ryan Magsayo, 25; Pvt. Jay-ar Galera, 24; Pvt. Jestony Parba, 26; Pfc. Cresly Olasiman, 26; Pfc. John Galapate, 25; Sgt. Raymon Bastonero, 39; Pvt. Mark Villasenior, 25; at Pvt. Rene Jay Perin, 24 anyos.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nasugatan din sina Cpl. Edward Obag, 31 anyos; at Joseph Abalo, 59, principal ng Baluno Elementary School.

Ayon sa report ng pulisya, nagsilbing escort ang mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-11) sa outreach program ng Baluno Elementary School sa Sitio Baluno sa Bgy. Salaan.

Pauwi na ang mga biktima at nagmenor ang truck sa pababang bahagi ng kalsada, subalit nawalan umano ng preno ang sasakyan.

Sinubukan umanong iwasan ng driver na mabangga ang sinusundang truck kaya gumilid ito, pero tuluyang dumiretso sa bangin.