Ni Clemen Bautista

ANG Tanay ay ang isa sa malaking bayan sa silangang bahagi ng Rizal. At sa mga mamamayan nito, mahalaga at natatangi ang ika-23 at ika-24 ng Enero sapagkat ipagdiriwang sa mga petsang ito ang kapisatahan ng Tanay at ng kanilang Patron Saint at Patroness na sina San Ildefonso at ng Mahal na Birhen ng Guadalupe. Ang dalawang araw na pagdiriwang ay panahon ng pagbibigay-buhay at pagpapahalaga ng mga mamamayan sa mga tradisyon at kaugalian ng bayan na namana sa kanilang mga ninuno. Sa pagdiriwang, walang maluhong paghahanda ang mga naninirahan sa siyam na barangay sa kabayanan (may 10 mountain barangay pa ang Tanay). Sabi nga ng ilang taga-Tanay na nakausap ng inyong lingkod: “kung ano ang makakaya ay siyang ihanda at ihain sa mesa”.

Ang dalawang araw na pagdiriwang ng kapistahan, ay tatampukan ng Concelebrated Mass sa umaga ng Enero 23 at Enero 24, 2018 sa simbahan ng Parokya ni San Ildefonso. Pangungunahan ni Monsenyor Rigoberto de Guzman, Vicar General ng Diocese ng Aatipolo at bagong parish priest ng Parokya ni San Ildefonso. Si Monsenyor de Guzman ay itinalaga at nanungkulang parish priest ng Tanay nitong Enero 4, 2018. Tampok na bahagi rin ng pagdiriwang at ng concelebrated mass ang pagbibigay ng parangal sa 8 taga-Tanay, Rizal na naging pari. Dadaluhan ang parangal ng walong pari ng kanilang mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga parishioner sa parokya na nakatalaga ang mga nasabing pari.

Bukod sa Concelebrated Mass, bahagi rin ng pagdiriwang ng kapistahan ng Tanay, Rizal ang “Balikbayan Breakfast” o pagsasalu-salo sa almusal ng mga balikbayang taga-Tanay. Gagawin sa umaga ng Enero 24 saTanay Park. Kasunod nito ang parada at exhibition ng siyam na banda ng musiko (brass band). Ang mga banda ng musiko ay ang handog ng bawat barangay na nasa kabayanan ng Tanay. Hindi problema ang pagbabayad sa mga banda ng musiko na nagbibigay ng kasayahan sa kapistahan sapagkat bawat barangay ay may abuluyan o nagbibigay ng tulong-pinansiyal. May suporta at padalang tulong-pinansiyal din ang mga taga-Tanay na nasa iba’t ibang bansa. Hindi sila nakalilimot na magpadala ng tulong bilang suporta sa pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyon na nakaugat na sa kultura ng mga mamamayan ng Tanay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon sa kasaysayan, noong Enero 16, 1571, nang ibigay ni Miguel Lopez de Legazpi ang kapangyarihan kay Juan Maldonado, sinimulan nang sakupin ang mga nainirahan sa Morong kasama ang 11bayan sa baybayin ng “Rinconada de Morong” na ngayon ay tinatawag na Laguna de Bay. Nasakop ang mga bayan na nasa baybayin ng Laguna de Bay ngunit hindi napasuko ang mga nakatira sa INALSAN, ang dating pangalan ng Tanay.

Matapos magmisyon ang dalawang paring Franciscano na sina Padre Juan de Plasencia at Padre Diego de Oropesa noong 1606, ang Tanay na dating sakop ng Pillila ay naging isang bayan. Ang unang pari ay si Padre Pedro de Talavera.

Ginawang Patron Saint ng Tanay si San Ildefonso, isang mabunying Arsobispo ng Toledo, Spain na naging santo.

Sinasabing dalawang beses na sinunog ang simbahan ng Tanay na yari sa mga pawid at kawayan. Ang una’y noong 1620 na sinunog ng mga Aeta. Ang ikalawang pagsunog ay noong 1639 na mga Intsik naman ang sumunog. Matapos ang dalawang sunog, noong 1840, itinayo ang bagong simbahan ng Tanay sa lugar na kinatatayuan nito ngayon sa kabayanan. May tatlong altar ang simbahan. Sa pinaka-gitna ay ang altar ay naroon ang imahen ni San Ildefonso at ang iba pang imahen ng mga Santo. Ang ikalawa at ikatlong altar ay nasa magkabilang gilid ng simbahan. Katabi ng Simbahan ang kumbento at ang gusali ng San Ildefonso College.

Sa nakalipas na 150 taon, sa patyo o harap ng Simbahan ng Tanay ay makikita ang dalawang higanteng puno ng Akasya. Sa laki ng katawan ng puno, apat na tao ang kailangang maghawak-kamay upang ang dalawang puno ng Akasya ay mayakap. Ang lilim ng dalawang puno at mga upuan sa palibot ng punong Akasya ang nagsilbing silungan at pahingahan ng mga

premonader o namamasyal sa patyo ng simbahan. Ngunit noong 2014, namatay at natuyo ang puno ng Akasya na malapit sa Simbahan. Ang ginawa ng mga taga-simbahan ng Tanay, ipinaukit sa isang iskultor sa puno ng Akasya ang imahen nina San Ildefonso at ng Birhen ng Guadalupe. Nabuwal naman ang ikalawang puno ng Akasya noong Nobyembre 1, 2017.

Nang sumapit ang ika-23 ng Enero, 1840, ginanap ang kauna-unahang na kapistahan ng bayan ng Tanay, Rizal, na ngayon ay isa nang tradisyon na patuloy na binibigang-buhay at pagpapahalaga ng mga mamamayan ng Tanay.Sa mga taga-Tanay,Rizal at ng mga may panata at debosyon kina San Ildefonso at Mahal na Birhen ng Guadalupe, ang pagdiriwang ay bahagi na ng kanilang pasasalamat sa mga blessing na kanilang natanggap. Nagpapalalim din ng kanilang pananampalataya.