Ni AARON B. RECUENCO, at ulat ni Rommel P. Tabbad

LEGAZPI CITY, Albay – Makalipas ang ilang araw na pagiging kalmado, muling nagbuga ng lava at halos 10 kilometro ang taas na abo ang Bulkang Mayon kahapon ng tanghali, kaya naman mabilisang nagkasa ng panibagong paglilikas ang militar at mga lokal na pamahalaan sa mga residenteng maaapektuhan sa labas ng permanent danger zone.

Inilarawan ni Dr. Paul Alanis, volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs)-Albay, na delikado ang naging pagsabog ng bulkan bandang 12:43 ng tanghali kahapon, at naging basehan ito upang itaas ng ahensiya ang Alert Level 4 sa bulkan.

“With this kind of eruption, we are now at Alert Level 4,” sinabi ni Alanis sa Balita habang tinatanaw ang napakataas na ash columns sa himpapawid na nalikha ng pagsabog, bukod pa sa inoobserbahan ang umaagos na pyroclastic materials mula sa Phivolcs Observatory center sa Lignon Hill sa Legazpi City.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Ayon kay Alanis, mailalarawan bilang explosive eruption ang naging pagsabog ng Mayon kahapon, na huling naitala noong 2001.

DANGER ZONE PALALAWAKIN

Ang Alert Level 4 ay nangangahulugang ilang oras o araw na lamang ang hinihintay bago ang matinding pagsabog ng bulkan, paliwanag ni Alanis.

Ang makapal na abo na ibinuga ng bulkan ay tinangay ng hangin sa direksiyon ng mga bayan ng Camalig, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Oas, at Polangui.

Dahil dito, sinabi ni Alanis na irerekomenda ng Phivolcs na palawakin pa sa walong kilometro ang danger zone sa katimugan ng bulkan kung saan matatagpuan ang Camalig, Daraga, at Guinobatan. Una nang pinalawig sa pitong kilometro ang four-kilometer danger zone ng Mayon.

LAVA FOUNTAIN

Muling kumalma simula nitong Enero 17, nakapagtalang muli ng lava eruption at lava collapse ang Phivolcs bandang 10:45 ng gabi nitong Linggo, at muling nakapagtala dakong 2:25 ng umaga kahapon.

Naitala rin ang tatlong volcanic earthquake, dalawa sa mga ito ay dahil sa pagbuga ng lava, bukod pa sa 64 na rockfall event at isang pyroclastic density current (PDC).

Ang unang pagbuga ng lava ay nakalikha ng 500 metro ang taas na fountain, habang aabot naman sa 200 metro ang ikalawa.

LIKAS ULI

Kasunod ng huling pagsabog ng Mayon kahapon, nagmamadaling pinakilos ng militar ang mga sasakyan nito, kasama ang sa pulisya at sa mga lokal na pamahalaan para sa panibagong paglilikas.

Sa kasalukuyan, mayroong 7,265 pamilya o 27,692 katao na nakatuloy sa 26 na evacuation center sa Albay.

Matatandaang nagsiuwian na ang karamihan sa 12,000 evacuees mula sa Legazpi City, kasunod ng pagkalma ng Mayon noong Miyerkules.

“We are ordering the evacuation again of our constituents because of this development,” sinabi kahapon ni Legazpi City Mayor Noel Rosal.

Muli ring kinansela ang mga klase sa mga paaralan sa Albay, na dapat sana ay balik-eskuwela na kahapon.