Ni Celo Lagmay
SA kabila ng malusog na kalayaan sa pamamahayag na ipinangangalandakan ng Duterte administration, hindi ko ipinagtaka ang pagsulpot ng magkakasalungat na pakahulugan sa sinasabing ‘robust press freedom’. May kanya-kanyang paninindigan hindi lamang ang iba’t ibang media outfit sa bansa kundi maging ang ating mga kapatid na editor, columnist at mga reporters, pati ang ating mga kababayan na matamang sumusubaybay sa misyon ng mga mamamahayag.
Totoo na nakalulugod ang pag-aaral na isinagawa ng Pew Research Center, isang American think tank, na nagsasaad na ang Pilipinas ang pangalawa sa 28 bansa sa larangan ng patas at wastong pagbabalita. Bahagi ito ng paninindigan ng Malacañang hinggil sa pag-usad ng malayang pamamahayag sa bansa. Sa kabila ito ng positibo at negatibong mga ulat sa mga peryodiko, radyo at telebisyon, patunay nito na ang media ay hindi subservient o sunud-sunuran sa gobyerno.
Totoo rin, sa kabilang dako, na maaaring ang gayong impresyon ay taliwas sa ating mga kapatid sa propesyon na kaanib sa iba’t ibang media organization, tulad ng National Press Club (NPC), National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) at iba pa. Natitiyak ko na magkakaiba ang kanilang pakahulugan sa malusog na kalayaan sa pamamahayag o sa pagbabanta at pagsikil sa press freedom.
Naniniwala ako na ang sinumang miyembro ng NPC, NUJP o ng lahat ng media practitioners ay hindi dapat maging spokesman at magsalita sa ngalan ng sinuman sa ating hanay. Magkakaiba ang ating impresyon sa mga pahayag, halimbawa, ni Pangulong Duterte sa kanyang mga pahayag laban sa ilang media outfit. Ano ang pakahulugan natin sa pagbabanta ng Pangulo na ipasasara niya ang ilang peryodiko at tv station na mistulang kumokondena sa kanyang mga pamamalakad?
Hindi ba ang ganitong panggagalaiti ay maituturing na matinding pagbabanta sa karapatan sa pamamahayag?
Biglang sumagi sa aking utak ang tandisang pagpapasara ng lahat ng media outfit nang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law; hindi lamang pinagbantaan ang media kundi ganap na sinikil kasabay ng pagpatay sa demokrasya.
Sa kabila ng gayong maaanghang na patutsada ni Pangulong Duterte sa media, naalala ko ang kanyang pahayag kamakailan kaugnay ng kanyang pagpapahalaga sa misyon ng mga mamamahayag: I want to be friends with you forever.
Sa anu’t anuman, hindi natin dapat kaligtaan ang ating makabuluhang tungkulin bilang mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Sabi ng isang haligi ng peryodismo: We have to defend press freedom even if we die, if need be. Hindi iilan ang ating mga kapatid na hanggang ngayon ay nagbibiling-baligtad sa kanilang libingan sa paghihintay ng katarungan.