Ni Liezle Basa Iñigo
ILAGAN CITY, Isabela – Idineklarang special non-working holiday sa Isabela sa Biyernes, Enero 26, 2018.
Sa ipinalabas na Executive Order No. 2 ni Governor Faustino “Bodjie” Dy III, walang pasok sa nasabing petsa ang mga pampubliko at pribadong tanggapan para mabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilyang Isabeleño na makibahagi sa pagdiriwang ng Bambanti Festival ngayong taon.
Ang Bambanti Festival ay nagsimula kahapon sa pagbubukas ng Bambanti Festival Village, at magtatapos sa Sabado, Enero 27. Taun-taong ipinagdiriwang ang kapistahan bilang pasasalamat sa patuloy na masaganang ani.