TAONG 2016 pa lamang, sa kanyang pangangampanya sa pagkapangulo, ay binanggit na ni Pangulong Duterte ang tungkol sa pagdoble niya sa suweldo ng mga sundalo at pulis. Nag-umigting ang pag-asam ng mga unipormadong kawani nang mahalal siya noong Mayo 2016, subalit noong Nobyembre 2017 lamang inaprubahan ng Kamara de Representantes ang pinag-isang resolusyon para itaas ang kanilang suweldo, na kaagad namang sinegundahan ng Senado nang sumunod na buwan.
Sa unang araw ng bagong taon ng 2018 ay nilagdaan ng Pangulo ang Joint Resolution No. 1 na nagpapahintulot sa pagdadagdag ng base pay, allowances, benepisyo, at insentibo ng mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Malaki ang ibinigay na umento. Ang P14,834 na buwanang sahod ng AFP private at Police Officer 1 ng PNP ay nadoble sa P29,668. Ang mga pinuno ng AFP at PNP na dating sumusuweldo ng P67,500 kada buwan ay kumukubra na ng P121,143 ngayong 2018, at P149,785 naman sa 2019. Malugod na tinanggap ng publiko ang umentong ito, na batay sa Resolution No. 1 ay kinakailangang itaas ang kanilang sahod upang ang mga ito ay “more commensurate with their critical role in maintaining national security and peace and order”. Kinatigan ito ng publiko kasunod na rin ng nagtapos na ilang-buwang digmaan sa Marawi City, kung saan tinalo ng AFP at PNP ang mga teroristang Maute-ISIS.
Natural lamang na dahil sa umentong ipinagkaloob sa mga pulis at sundalo ay humiling din ng dagdag-sahod ang iba pang sektor ng burukrasya. Pinakamatindi ang apela mula sa mga guro. Ang entry-level ng Teacher 1 ay kumikita ngayon ng P20,179 kada buwan; kumpleto sa mga bonus at allowance sa iba’t ibang bahagi ng taon, ang karaniwang sahod ng mga ito ay aabot sa P23,375, ayon kay Budget and Management Secretary Benjamin Diokno.
Binigyang-diin ni Diokno na hindi siya tutol sa pagkakaloob ng umento sa mga guro, subalit talaga lang na walang pondo para rito sa kasalukuyan. Kung dodoblehin ang suweldo ng aabot sa 600,000 guro sa bansa, gaya ng ibinigay sa 172,500 aktibong tauhan ng AFP at 170,000 operatiba ng PNP, sinabi ng kalihim na kakailanganin ang P343.7 bilyon. Sa ganitong sitwasyon, aniya, mamimili ang pamahalaan kung babawasan nito ang pinaglalaanan ng taunang budget, o lilikom ng karagdagang buwis.
Tunay na hindi biro ang kanilang bilang, subalit nangako ang Malacañang na ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ang susunod na dadagdagan ng sahod. Nitong Enero 11, tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque na makatatanggap ng umento ang mga guro sa termino ni Pangulong Duterte, na mananatili sa Malacañang hanggang sa 2022.
Libu-libong iba pang kawani ng gobyerno ang nangangailangan ng dagdag-sahod subalit hindi sapat ang pondo ng pamahalaan para rito. Karamihan sa pondo ay inilaan sa pagpapatuloy sa mga proyekto ng pamahalaan at paglulunsad ng mga bagong programa, tulad ng pang-imprastruktura na “Build, Build, Build!”.
Naging posible ang dagdag-sahod dahil sa espesyal na pagtutok ni Pangulong Duterte sa kapakanan ng puwersang tumitiyak sa seguridad ng bansa. Ang mga guro, na layuning ihanda ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino, ay tatanggap din ng sarili nilang umento sa tamang panahon. Ngayong sinimulan na ng gobyerno ang pagtuunan ng pansin ang suweldo ng mga kawani nito, maaasahan ng iba pang tauhan ng burukrasya na darating din ang kanilang panahon para sa mas mataas na suweldo, na magbibigay-daan para sa mas maayos na buhay para sa kani-kanilang pamilya.